Masaya ang pakiramdam ni Joem makaraang bigyan ng pera si Bong. Kung tutuusin kulang pa ang limang libo sa tulog na binigay sa kanya noon ni Tito Nilo, tatay ni Bong. Nung umalis siya rito sa bahay dahil sa pananakit ng kanyang amain, sa bahay ni Tito Nilo siya tumuloy. Dun siya pinapunta ng kanyang mama. Maayos siyang tinanggap ni Tito Nilo at asawang si Tita Ana. Si Tito Nilo rin ang nag-asikaso nang mamatay ang kanyang mama. Kung hindi kay Tito Nilo, hindi niya alam kung ano ang gagawin makaraang mamatay ang kanyang mama.
Kaya sa hiling ni Bong na maipasok niya ng trabaho sa kanilang kompanya, gagawa siya ng paraan. Sana, maipasok niya si Bong para makatulong sa pamilya lalo’t maysakit pala ang nanay ni Bong. Hindi naman nakakahiyang irekomenda si Bong dahil alam niyang matino ito at may natapos. Kapag natulungan niya si Bong, matutuwa marahil si Tito Nilo saan man ito naroon.
Nang magbalik siya sa kusina, nakita niya ang ilulutong fishball na hindi na natuloy. Pati na ang mga sangkap sa paggawa ng sauce. Ipatitikim pa naman sana niya kay Trishia ang bagong tuklas niyang sauce.
Napaupo si Joem sa bangko at inaalala ang ginawa nila ni Trishia kanina. Ang totoo ay nabigla siya sa ginawa ni Trishia. Hindi niya inaasahan na magagawa iyon ni Trishia.
Bigla siyang ni-lips to lips nito. At dahil naantig siya sa masarap na paghalik ni Trishia, gumanti siya. Ang sarap halikan ni Trishia. Malambot na malambot ang mga labi. Parang marshmallow. Ang bango pa ng hininga. Parang hininga ng kasisilang na sanggol. Sa totoo lang, ngayon lang siya nakaranas makahalik. Ang sarap pala!
Sayang at nabitin.
Kung hindi kaya dumating si Bong, saan kaya sila nakarating ni Trishia.
Bakit kaya nagawa iyon ni Trishia?
Umiibig kaya sa kanya si Trishia?
Kanina, halatang inis si Trishia. Nabitin sa ginagawa nila. Umalis tuloy na nakasimangot.
Mamaya, tatawagan niya si Trishia. Kukumustahin niya. Hihingi rin siya ng sorry dito. (Itutuloy)