Pinagmasdang mabuti ni Dado ang napansin sa sahig. Butas? Bilog na kasing laki ng 1 peso coin.
Hindi pa nasiyahan si Dado, lumuhod siya para siguruhin kung butas nga ang nakita sa sahig.
Sinalat-salat niya.
Butas nga!
Dinutdot niya.
Hindi tagos sa kabila.
Tama si Manang Oya na manipis na ang tablang sahig. Marahil ay dahil sa kalalampaso. At siyempre, tuyung-tuyo na ang tabla kaya madaling magasgas dahil sa paglalampaso o pagbubunot.
Napangiti si Dado. Kanina ay tinanong pa siya ni Manang Oya kung may napapansin na butas o sira sa sahig o sa kisame. Ireport daw agad para maipaayos. Ang sagot niya ay wala naman siyang nakikitang butas o sira sa sahig o kisame.
Wala naman talaga siyang napapansin. Ngayon lang niya nakita ang butas na ito.
Dapat pa ba niya itong ireport kay Manang? Maliit lang namang butas. Kayang-kaya na niyang takpan. Bibili lang siya ng epoxy at kapirasong tabla na kokortehan niyang bilog, matatakpan na ang butas na ito.
Sa Lunes, paglabas niya ng opisina ay bibili siya ng epoxy para matakpan. Baka lumaki ang butas. Hindi na niya ito sasabihin kay Manang.
Ipinagpatuloy niya ang paglalampaso sa sahig. Iniwasan niyang bunutin ang may butas na sahig.
Nang matapos, makintab na makintab ang sahig. Masarap maupo at mahiga. Mas masarap pang matulog sa sahig kaysa sa kama.
LUNES. Paglabas ni Dado ng opisina ay bumili siya ng epoxy sa convenient store. Tatakpan na niya ang butas sa sahig. Meron naman siyang kapirasong tabla na patungan ng kawali. Pipiraso siya roon at ‘yun ang itatapal.
Pagdating sa kanyang kuwarto, iyon agad ang inasikaso ni Dado.
Pumiraso muna siya sa tabla. Binilog iyon na kasinglaki ng piso. Isinukat sa butas. Kasyang-kasya!
Bago idikit ang pinirasong tabla, nilinis muna niya ang butas para kumapit ang epoxy. Hindi didikit ang epoxy kapag marumi ang pagtatapalan.
Pero nang kinalikot niya ang butas, nagulat siya sapagkat tagos pala ito sa kuwarto na inuupahan ng babae sa silong. (Itutuloy)