“Hani! Hani!’’
Bago bumagsak si Hani ay nasalo ito ni Cris. Muntik nang bumagsak sa napatay niyang alupihan.
Maagap niya itong niyakap at dahan-dahang dinala sa tapahan ng niyog.
Inilatag ang katawan sa tuyong lupa.
Nang damhin niya ang noo ni Hani ay pinagpapawisan ito nang malamig.
Hindi malaman ni Cris ang gagawin.
‘‘Hani! Hani!’’ marahan niyang tinapik-tapik ang braso para magkamalay.
Umungol si Hani. Mistulang nananaginip.
“Hani! Hani!’’
Pero ayaw magising.
Tatapikin pa sana niya pero nakarinig siya ng mga yabag na papalapit. Nang tingnan niya kung sino ay ang nanay pala ni Hani. Sinundan pala sila.
“Nanay nahilo po si Hani!’’ sabi niya.
‘‘Anong nangyari Cris?’’
Sinabi ni Cris na nakakita nang malaking alupihan si Hani sa tambak ng mga bunot ng niyog.
‘‘Pagkaraan ko pong mapatay ang alupihan ay biglang nawalan ng malay si Hani.’’
Napailing-iling ang nanay ni Hani. Nagtaka si Cris.
“Bakit po Nanay?’’
‘‘Kapag nakakakita ng alupihan si Hani ay nagkakaganyan siya. Dati na siyang ganyan sapul pa. Pero nang magtungo siya sa Maynila ay wala naman siyang naikukuwento na nawawalan siya ng malay kapag nakakita ng alupihan.’’
Nagtaka na si Cris.
‘‘Ano pong kaugnayan ng alupihan at nawawalan siya ng malay ?’’
“Mahabang kuwento, Cris. Saka ko na lang ikukuwento sa’yo. Wala pa bang naikukuwento sa’yo si Hani ukol dun.’’
“Wala po Nanay.’’
“A wala pa pala. Sige, saka ko na lang ikukuwento.’’
‘‘Ano pong gagawin natin kay Hani. Wala pa rin siyang malay.’’
‘‘Huwag kang mag-alala at magkakamalay din ‘yan,’’ sabi ng nanay ay may kinuha ito sa bulsa ng suot na pantalon. Isang maliit na botelya – parang White Flower. Binuksan at naglagay nang konti sa hintuturo. Saka pinaamoy kay Hani.
Maya-maya lang ay nagkamalay na si Hani.
Parang galing ito sa mahabang pagtulog.
“Anong nangyari, Kuya?’’
“Nawalan ka ng malay, Hani.’’ (Itutuloy)