‘‘Hindi pa ako nag-kakasiyota, Kuya,’’ sabi ni Hani kay Cris. Medyo nahihiya pa si Hani.
‘‘Bakit?’’
‘‘Sino ba naman ang magkakagusto sa akin?’’
‘‘Masyado mo namang minamaliit ang sarili mo.’’
Hindi nagsalita si Hani. Nanatiling nakatingin kay Cris.
At saka nagsalita. Halatang may pagsisisi.
“Kaya nga siguro napilitan akong makipagre-lasyon kahit sandali kay Gretchen ay dahil walang lalaking magkakagusto sa akin, Kuya. Pero pinagsisisihan ko iyon. Hanggang ngayon ay tinatanong ko ang aking sarili kung bakit pumayag ako sa mga kagustuhan ni Gretchen. Kahit alam kong mali e pumayag ako...’’
Tumigil sa pagsasalita si Hani.
Nakatingin lang si Cris. Nauunawaan niya si Hani.
Humikbi si Hani.
Maya-maya, itinuloy ang pagsasalita.
“Hindi ko nga rin malaman ang sarili ko kung bakit pumayag sa gustong mangyari ni Gretchen. Hindi ako pumiyok kahit na hinihipo niya ang “ano” ko. Nagpaubaya pa ako at nitong huli, hinayaan ko na siya na gawin ang mga gusto niya pero pawang mga naudlot. Mabuti na lang at hindi nangyari ang ganun kalubha. Kung hindi baka mas lalo pa akong nagsisi. Pero talagang nasusuklam ako sa sarili ko Kuya kapag naaalala yun. Narurumihan ako. Parang hindi na ako virgin!’’
Nakatingin lang si Cris kay Hani. Naisip niya, birhen pa pala si Hani. Bihira na ang babaing birhen ngayon. Sabagay, mapapanatili nga niya ang kabirhenan dahil hindi pa nga nagkakasiyota.
“Huwag mong sisihin ang sarili mo Hani. Tao ka lang na nagkakamali. At saka hindi mo naman kagustuhan. Parang pinilit ka nga ni Gretchen di ba?’’
“Oo Kuya. Binantaan pa ako.’’
“Kaya huwag mo nang sisihin ang sarili. Kalimutan mo na ang mga nangyari.’’
Tumango si Hani.
“Basta mula ngayon ay tahimik na ang buhay mo. Wala nang gagambala.’’
“Oo nga Kuya.’’
ISANG gabi, ipinasya ni Cris na lumipat sa Room No. 5. Katabi iyon ng room ni Hani.
Nakita ni Hani ang paghahakot niya.
“Lilipat ka na Kuya?’’
“Oo.’’
(Itutuloy)