Nang makaalis ang superbisor ng gulayan na si Minda, itinuro ni Alexis kay Nicole ang mga silid sa kamalig na maaari nitong gamitin. Malilinis ang mga silid at kumpleto sa gamit --- may kama, TV, tokador at mga cabinet na lalagyan ng damit. Malalaki ang mga silid.
“Pumili ka kung saan mo gusto, Nicole. Mula nang gawin ang mga silid na ‘yan ay wala pang nakakagamit. Pinagawa ko kasi ang mga yan dahil may pagkakataon na may mga bisita ako at balak ko riyan patulugin kapag inabot ng gabi. May pagkakataon kasi na sinasadya ako rito ng mga may-ari ng restaurant at naisip ko maganda kung may nakahandang tutulugan o pagpapahingahan.’’
Nang magsalita si Nicole ay seryoso at tila nakikiusap.
“Mang Alexis, alam kong napakabait mo pero maaari ba akong makiusap na uupa ako ng sariling bahay dito para tirahan ko. Nakakahiya naman sa mga makakakita na binigyan mo na nga ako ng trabaho e pati tirahan e umaasa pa rin ako sa’yo. Gusto ko pong tumayo sa sariling paa.’’
“Oo, walang problema Nicole. Sige, malaya kang magpasya sa mga gagawin mo para sa iyong sarili. Alam kong matalino ka at gusto mo mamuhay nang maayos at hindi umaasa sa iba.’’
“Salamat po Mang Alexis.’’
“Bukas, itanong mo kay Minda kung mayroon pa siyang pinauupahang bahay. Marami kasing paupahang bahay dito si Minda. Umasenso na kasi si Minda mula nang maging superbisor ko. Bumili siya ng mga bahay at pinauupahan sa mga manggagawa sa gulayan.’’
“Ganun po ba? Bukas itatanong ko po kay Ate Minda.’’
“Mabait si Minda at maaasahan. Lagi nga siyang takbuhan ng mga may problema. Humihingi ng payo sa kanya.’’
“Mukha nga pong mabait si Ate Minda.’’
‘‘Bukas kapag sinundo ka, itanong mo agad kung may pinauupahan pa siya para ma-kalipat ka na agad. Bibigyan kita ng pera na pangdeposito at paunang bayad sa upa.’’
“Nakakahiya naman Mang Alexis. Marami ka nang naitulong sa akin.’’
‘‘Babayaran mo naman sa akin kapag nakasahod ka.’’
“Ay sige po.’’
KINABUKASAN, dakong alas siyete ng umaga, sinundo na ni Minda si Nicole.
Tinanong ni Nicole kung may pinauupahan pang bahay si Minda.
“Meron pang isang bakante sa likod ng bahay ko. Gusto mong umupa, Nicole?’’
“Opo Ate.’’
“Sige sumama ka na sa akin. Dalhin mo na ang mga damit mo at deretso na tayo sa bahay.’’
Nagpaalam si Nicole kay Alexis.
‘‘Aalis na po kami Mang Alexis. Salamat sa tulong mo.’’
‘‘Walang anuman. Mag-ingat kayo.’’
Umalis na sina Nicole at Minda.
Nang makita ni Nicole ang paupahang bahay, nasiyahan siya dahil maayos at malinis. Nagbigay siya ng deposito at paunang bayad.
Pagkatapos, dinala na siya sa gulayan at pinakilala sa mga babaing manggagawa. Maraming nag-welcome kay Nicole.
Sumunod na araw, nagtatrabaho na si Nicole sa gulayan. Kayang-kaya niya ang trabaho.
(Itutuloy)