Ahas sa Garden (369)

“Bagay na bagay sa’yo! Huwag mo nang hubarin yan!’’ sabi ni Alexis at bina­lingan ang babaing nag-a­assist sa kanila. “Miss hindi na huhubarin ang damit. ‘Yan na ang isusuot niya.’’

“Okey po Sir. Aalisin ko lang po ang tag at ibibigay sa cashier,” sabi ng babae.

Niyaya ng babae si Ni­cole sa fitting room at ti­nanggal ang tag.

Pagkaraan na iyon ay bina­yaran na ni Alexis ang lahat nang pinamili ni Nicole. Dalawang ma­lalaking­ shop­ping bags lahat. Si Alexis ang nagbitbit ng mga bag.

“Meron pa pala tayong nakalimutan, Nicole!’’

‘‘Ano po yun, Mang Alexis?’’

‘‘Sapatos! Wala kang sapatos, Nicole!’’

Napatingin si Nicole sa suot niyang sapatos na lumang-luma na. Ilang taon na niyang ginagamit iyon.

‘‘Halika doon naman tayo sa shoe section. Pu­mili ka ng mga sapatos na babagay sa damit na suot niya.’’

Tinungo nila ang section ng mga sapatos.

“Sige Nicole pumili ka na. Uupo lang ako rito at babantayan ang pinamili natin.’’

Namili si Nicole. Dalawa ang napili niya. Nagpakuha ang lalaking taga-assist ng sapatos na napili ni Nicole. Nang dumating, isinukat niya. Pareho kasya. Dinala niya iyon kay Alexis.

“Ito po ang napili ko Mang Alexis.’’

“Maganda! Bagay yan sa damit mo. Pumili ka pa ng isa para marami kang panghalili.’’

Bumalik sa eskaparate si Nicole at pumili pa ng isa. Isinukat. Dinala kay Alexis at ipinakita.

“Aba maganda rin yan. Sige bayaran na natin.’’

Binayaran nila.

“Kumain naman tayo sa paborito kong restaurant. Ta­mang-tama, kumakalam na ang tiyan ko.’’

Nagtungo sila sa Japanese restaurant.

Umorder si Alexis ng ilang putahe. Ilang minuto lang ay dinala lahat ang pagkain.

‘‘Kumain na tayo, Nicole. Masarap ito habang mainit.’’

Iniabot niya kay Nicole ang bowl ng kanin at ang bowl ng ulam. Pagkatapos ay siya naman ang naglagay sa kanyang pinggan.

Nagsimula silang kumain. Tahimik lang sila.

“Masarap ang pagkain dito. Maraming beses na akong kumain dito.’’

“Masarap nga po, Mang Alexis.’’

“Damihan mo ang kain, Nicole.’’

‘‘Opo.’’

Tinitigan ni Alexis si Nicole. Maganda talaga si Nicole. Nahuli siya ni Nicole. Ibinaba ni Nicole ang paningin.

(Itutuloy)

Show comments