“AALIS na po ako Mang Alexis,” sabi ni Nicole pagkatapos makakain ng almusal. “Salamat po sa pagkain at dito sa suot ko.’’
“Saan ka pupunta gayung sabi mo ay wala ka nang uuwian dahil na-demolished na ang iyong bahay.’’
“Bahala na po.’’
“Talaga bang wala ka nang kamag-anak na maaaring matuluyan.’’
“Meron po pero hirap ang buhay. Magiging pabigat lang ako. Marami siyang anak.’’
Napatangu-tango at napabuntunghininga si Alexis.
“Paano kung matagpuan ka uli ng babaing nangako sa’yo na ipapasok ka ng trabaho pero sa KTV ka dinala. Baka may masamang gawin sa’yo.’’
“Bahala na po, Mang Alexis.’’
“Papasok ka uli na kasambahay?’’
“Malamang po. Magdarasal na lang po na ang matagpuan kong amo ay mabait at hindi manyakis.’’
“Mahirap makahanap ng amo na mabait. Meron pa nga na hindi sinusuwelduhan.’’
Napatango na lang si Nicole.
“Paano kung pagtangkaan ka uli ng iyong among lalaki?’’
“Bahala na po Mang Alexis. Siguro naman po ay hindi ako pababayaan ng Diyos,” sabi ni Nicole at napatungo.
Napahinga naman nang malalim si Alexis. Mukhang mahihirapan si Nicole na makakita ng mabuting amo. Bihira na ang mga amo na mabait sa katulong.
“Sige po Mang Alexis, aalis na po ako. Salamat po uli,” sabi ni Nicole at tumalikod at humakbang palabas ng pinto.
Nakatingin lang si Alexis. Tila hindi niya alam ang gagawin sa pagkakataong iyon. Nalilito siya at nakapako sa kinatatayuan.
Binuksan ni Nicole ang gate.
Nakatingin lang si Alexis.
Nag-iisip siya nang malalim. Kung kunin kaya niyang manggagawa si Nicole sa kanyang farm. Kayanin kaya nito?
Hanggang nakalabas ng gate si Nicole. Humakbang patungo na sa kalsada.
Nagpasya si Alexis. Biglang tinawag ni Alexis.
“Sandali lang Nicole!’’
Lumingon si Nicole.
“Bakit po Mang Alexis?’’
“Halika at bibigyan kita ng trabaho.”
Nagliwanag ang mukha ni Nicole.
(Itutuloy)