KAHIT kailan, hindi kinuwestiyon ni Ruth ang “hanapbuhay” ng kanyang ina-inahan. Kahit bali-baliktarin ang mundo, walang makakatulad si Mommy Donna na nagligtas sa kanya sa tiyak na pagkawasak kung hindi siya nasagip sa harapan ng convenient store sa Doroteo Jose noong siya ay 12 anyos at palabuy-laboy. Malaki ang utang na loob niya kay Mommy Donna na bihira na ang makakagawa ng ganoon. Kahit na dagdag-pakainin siya, kinupkop pa rin siya.
Mas mamahalin pa niya si Mommy Donna kaysa kanyang ina na mas kinakampihan pa ang ka-live in nito. Imagine, pinagtangkaan na siyang gahasain ng ka-live in nito pero siya pa ang sinisi kung bakit napatay ito ng SWAT. Kung hindi raw siya nagsisigaw hindi makakapagsumbong ang mga kapitbahay sa mga pulis at hindi mapapatay ang ka-live ina. Noon, natatandaan niya ay umaapaw ang galit sa kanyang dibdib at kung maari lamang ay sisigawan din niya ang ina. Gusto niyang sabihin sa kanyang ina na pinasok siya sa banyo ng ka-live in nito para gahasain. Kung hindi siya nagsisigaw, baka naluray na siya ng hayop na lalaki. Pero hindi niya nagawang sigawan o labanan ang kanyang ina. Kahit paano, may takot pa rin siya. Pero hanggang doon na lang dahil mula noon nawalan na siya ng pagmamahal sa ina. Hanggang sa masagasaan ito ng tren at namatay.
Si Mommy Donna ang naging ina niya mula noon. Itinuring siyang anak. Pinakain at pinag-aral. At wala siyang pakialam kung anuman ang trabaho nito.
Ngayong matatapos na siya sa pag-aaral, gusto niya makakita ng magandang trabaho para siya naman ang magsisilbi kay Mommy Donna. Patitigilin na niya ito sa “trabaho”.
(Itutuloy)