ANG tingin sa kanya ni Bogs ay muchacho o katulong sa bahay. Sabagay totoo naman dahil naglilingkod siya kay Madam Dulce. Ito rin ang nagbigay sa kanya ng trabaho bilang mensahero. Kaya kahit ano pa ang gawin, talagang lumalabas na “boy” siya. At inaasahan na niya na pagpunta uli rito ni Bogs ay tatawagin uli siyang “boy”.
Tinanaw ni Zac ang papalayong si Bogs. Bakit kaya walang dalang sasakyan at magtataksi lang? Baka hindi sa kanya ang BMW na dinala noong inihatid si Mam.
Binilang ni Zac kung ilang oras nagkuwentuhan sina Mam at Bogs. Anim na oras! Si Bogs lagi ang bumabangka at tawa naman nang tawa si Mam. Baka matagal nang nagtutungo rito si Bogs dahil parang sanay na sanay na. Kung makaasta ay parang “hawak” na niya si Mam.
Nang dumating si Manang Cion ay sinabi ni Zac dito ang tungkol sa bisita ni Mam.
“A si Bogs? Kaibigan yun ni Dulce.’’
“Matagal na po?’’
“Mula nung maging biyuda si Dulce ay nakita ko nang pumupunta rito. Nagkukuwentuhan sila. Nagtatawanan at nanonood ng TV.’’
“Baka po nanliligaw kay Mam?’’
“Aywan.”
“Binata po si Bogs?’’
“Aywan.’’
“Baka biyudo ano, Manang?’’
“Baka.’’
“Palagay ko, nililigawan niya si Mam.’’
(Itutuloy)