“BAKIT ka umiiyak, Ada?’’
Umiling si Ada.
“Sige Manang Caridad, ituloy mo ang kuwento.’’
“Tinulungan ng mabait na caretaker ang nobya ng anak ni Enyora. Kasi ay umaasa pa raw ang nobya na babalikan ng anak ni Enyora. Wala itong kamalay-malay na hindi na babalik dahil nga itinago na ng mama nito --- si Enyora nga. Mayroon na kasing napipisil na babae si Enyora para sa anak. Mayaman din ang babae na katulad nina Enyora.
“Pinakasal ni Enyora ang anak sa babaing napupusuan. Pero dahil nga hindi naman gusto ang babae, hindi sila magkasundo. Laging napaaway. Bukod doon ay hindi magkaanak. Hanggang sa magkasira-sira na ang pagsasama. Nalulong sa alak at sa bawal na gamot ang anak na lalaki ni Enyora.
“Hanggang sa magkaloko-loko na rin ang takbo ng pamumuhay nina Enyora. Nalugi na ang mga negosyo. Ninakawan ng mga tauhan. Nasimot ang lahat nang ipon. Nawala ang malaking bahay sa Mayon St. at pati na ang mga resthouse sa Laguna at Batangas.’’
Nang marinig ni Ada ang Mayon St., tumibay na ang hinala niya. Hindi niya malilimutan ang laging sinasabi ng kanyang Ninang Karla na mayroong malaking establishment at hardware ang kanyang papa sa Mayon kanto ng Dapitan. Hindi niya malilimutan iyon. Maski ang kanyang Kuya Ipe ay memoryado ang lugar na iyon.
Napaiyak muli si Ada.
Muli siyang tinanong ni Manang Caridad.
“Bakit Ada? Bakit ka umiiyak?’’
Napahinga si Ada.
“Ano po ba ang pangalan ng anak ni Lola Soc, Manang?’’
“Bakit?’’
“Gusto ko pong malaman. Ano po Manang?’’
(Itutuloy)