Salome (23)

“MATAGAL na nawala ‘yan. Eto at nagbalik na naman. Sana ay hindi na nagbalik dahil pasaway, rocco-rocco nga!’’ Sabi ni Manang Sabel na ang tinutukoy ay ang anak ni Mam Pilar na ang pangalan ay Rocco.

“Saan po nagpunta, Manang?’’ Tanong ni Salome habang kumakain na nakakamay.

“Hindi ko alam. Sabi ni Mam Pilar ay nag-aaral daw sa State. Hindi ako naniniwala. Tingnan mo naman ang itsura. Baka sa State of calamity.’’

Napangiti si Salome sa sinabi ni Manang Sabel. May pagkakomikera kung magsalita si Manang.

‘‘Baka naman po totoo na nag-aaral?’’

“Hindi ako naniniwala. Tingin ko, durugista,’’ at saka sumulyap sa paligid at baka may nakakakita.

“Nag-iisa po bang anak si Rocco?’’

‘‘Dalawa. Yung isa babae. Hindi rin madalas dito yun. Hindi ko alam kung saan nakatira yung babae.’’

“Ano pong itsura?’’

“Kamukha ni Mam Pilar.’’

“Ano pong pangalan?’’

“Trixia.’’

“Baka nag-aaral din po kaya hindi rito nakatira.’’

“Hindi ko alam.’’

Ipinagpatuloy ni Salome ang pagkain. Masarap magluto si Manang Sabel. Ngayon lang siya nakakain nang masarap na luto ng kalderetang buto-buto.

“Sandali at dadalhin ko lang itong bistik sa kuwarto ni Rocco. Gusto idideliber pa, hinayupak talaga!’’

Umalis na si Manang Sabel.

Ipinagpatuloy ni Salome ang pagkain. Nagutom siya sa dami ng nilabhang kurtina.

Maya-maya bumalik na si Manang Sabel.

“Tinutopak siguro si Rocco. Bakit daw ang tagal ko e gutom na gutom na siya. Sarap lasunin ng hinayupak. Kung hindi lang kasalanan ang pumatay naku, matagal ko nang ginawa.’’

Hindi makapagsalita si Salome. Binulyawan din siya kanina ng Rocco na ‘yun.

“Siyanga pala, ingat ka sa Rocco na yun, Salome. Basta alerto ka. Alam mo na. Mabuti nang nag-iingat.’’

“Opo Manang.’’

KINABUKASAN, habang nagdidilig si Salome ng halaman, lumapit si Rocco.

“Bago ka ano? Anong name mo?’’

“Salome po!’’

Napangisi si Rocco.

(Itutuloy)

Show comments