“GINULAT mo ako, Jam,” sabi ni Marie nang kumakain na sila. “Ibang-iba ang itsura mo ngayon. Mukha kang bumata. Anong sekreto mo?’’
“Kuntento na kasi ako sa buhay. Natanggap ko na ang lahat at wala na akong iniisip.’’
“Kaya pala.’’
“Nitong nagkatrabaho ako, lalo na akong naging kuntento at hindi na nag-isip sa problema.’’
“Tama ang ginawa mo. Kaysa mag-isip sa problema, libangin ang sarili sa pagtatrabaho.’’
“Masaya ako sa trabaho. Mas masaya kaysa sa trabaho nun – yung dati nating kompanya.’’
“Sabi ko nga kay Jose, ipasok din niya ako sa kompanya nila.’’
Napatda si Jam. Parang nag-isip ito sa sinabi ni Marie.
“Nagpapapasok ka rin?’’
Nagtawa si Marie.
“Joke lang. Eto naman parang ang bilis maniwala. Hindi ako aalis sa kompanya natin.’’
Nagtawa rin si Jam.
“Akala ko seryoso ka.’’
“Hindi. Biro lang yun.’’
“Anong sabi ni Jose?’’
“Pabiro rin. Hindi raw tinatanggap ang magagandang katulad ko sa kompanya nila.’’
“Sinabi ni Jose iyon? E di ang ibig niyang sabihin, pangit ako kaya mabilis na natanggap sa kompanya. Humanda siya sa akin!’’
Malakas ang tawa ni Marie. Narinig ng mga kumakain sa katabi.
“Bakit ayaw mo ba akong makasama sa bago mong kompanya?” tanong ni Marie.
“Siyempre gusto.’’
“Para kasing tutol ka sa himig ng pagsasalita mo kanina.’’
“Sira! Kumain na nga tayo.’’
Ipinagpatuloy nila ang pagkain.
Marami pa silang napagkuwentuhan hanggang muling mapag-usapan ang pag-aasawang muli. Inulit ni Jam na hindi na dapat mag-asawa pa uli si Marie.
(Itutuloy)