NAGPALIWANAG pa ang daddy ni Iya kung bakit hindi agad siya nakarating sa school para sunduin ang anak. Seryosong-seryoso ito sa pagsasalita.
“Mayroon kasing dumating na tao rito kanina at may mahalagang sinabi sa akin. Mayroon pa raw problema ukol sa insurance. Ipinipilit na hindi pa ako bayad pero nang ipakita ko ang mga resibo ay saka lamang natahimik. Nakipagtalo muna sa akin. Iyon ang dahilan kaya hindi ako nakarating sa school on time.
“Pagdating ko nga sa school, wala na si Iya at nang magtanong ako sa mga taong naroon, sinabi nga na mayroong mag-ina na nagsama kay Iya. Hindi ako mapakali dahil baka kinidnap na si Iya, ha-ha-ha!’’
Napatawa rin si Marie.
“Nagbakasakali ako na hanapin pa si Iya sa may sakayan ng dyipni. Baka naroon sa waiting shed. Wala. Hanggang sa ipasya kong umuwi na at umasang darating nang ligtas si Iya. At ito nga kayo. Salamat uli.’’
“Okey nga lang yun. Nakita ko kasi na umiiyak si Iya at sabi ni Pau, ihatid na namin.’’
Binalingan ng lalaki si Pau.
“Salamat Pau.’’
Sumabad si Iya.
“Pareho kaming Grade 4 Daddy. Ibang section lang siya.’’
“Ganun ba? Kaya pala magkakilala na kayo,’’ sabi at binalingan si Marie. “Pasok muna kayo sa bahay.’’
‘‘Huwag na at mayroon pa kaming pupuntahan ni Pau. Magsa-shopping.’’
“A ganun ba? Sige, salamat uli.’’
Nagpaalaman na sina Pau at Iya.
Naglakad ang mag-ina patungo sa sakayan ng dyipni.
Nang makasakay sa dyipni, biglang napatawa si Marie. Mabuti at mahina ang pagtatawa niya. At mabuti rin at wala pang pasahero ang dyipni. Sila lang mag-ina ang naroon.
Nakita ni Pau ang pagtatawa niya.
“Ba’t ka nagtawa, Mama?’’
“E kasi’y hindi natin naitanong ang pangalan ng daddy ni Iya.’’
“Madali ko namang maitatanong kay Iya. Pagnagkita kami, itatanong ko sa kanya.’’
Nangamba si Marie. Baka sabihin ni Pau na siya ang nagpapatanong. Kinublit ang anak.
“Huwag mong sasabihin na ako ang nagpapatanong.’’
Tumango si Pau pero may pagtataka sa mga mata nito.
(Itutuloy)