“KUNG magre-resign ka, paano ang buhay mo?’’ Paano ka mabubuhay? Lalo pa’t buntis ka?’’ Tanong ni Marie na halatang alalang-alala sa kaibigan.
“May trabaho naman si Coco. Gusto ko lang makuha ang separation pay ko para may pangsimula at para sa baby ko.’’
Hindi makapagsalita si Marie. May ganito ba talagang babae? Parang hindi tama ang mga balak ni Jam, Una, sinakripisyo ang dalawang anak nang makipagrelasyon at ngayon, ang trabaho naman.
Pero wala siyang karapatan para pagsabihan si Jam. At alam niya na hindi naman ito makikinig sa kanya. Isa pa wala na ring magagawa dahil nasira na ang pamilya niya. Wala na siyang magagawa pa.
“Marie, tulungan mo ako sa pag-file ng resignation at pagpapapirma sa clearance. Ayaw ko nang magpakita sa office natin. Alam ko mahirap para sa iyo at abala rin pero ikaw lamang ang makakatulong sa akin. Sana naintindihan mo ako.’’
Tumango si Marie.
“Ihanda mo ang resignation letter at ako ang kakausap kay Bossing. Sabihin mo health reason kaya magre-resign. Para wala nang usap-usap o anumang tsismis. Pero pangako walang makakaalam nito kundi tayong dalawa lang.’’
“Salamat Marie.’’
“Sana, mapanatag ang isip mo Jam. Kung kaya ko, lagi kitang tutulungan. Basta kaya ko, tumawag ka lang sa akin.’’
Napaiyak na si Jam.
“Siguro talagang yan ang palad mo, Jam. Tulad ko rin, na sunud-sunod na namatayan ng asawa.’’
Nakatingin lang sa kanya si Jam. May luha ang mga mata nito. Gusto na rin niyang umiyak.
MARAMING naintriga sa pagre-resign ni Jam. At dahil si Marie ang kaibigan, siya ang nilapitan ng mga gustong makatsismis. Halatang gustong mabulatlat ang totoong nangyari. Hindi sapat ang dahilan ni Jam na health reason kaya nag-resign.
“Marie, magkuwento ka naman. Ano ba talaga ang nangyari kay Jam?’’ sabi ng isang babaing kaopisina.
“Oo nga Marie, ano bang totoo?’’ tanong pa ng isa.
Pero talagang matapat na kaibigan si Marie. Walang napiga ang mga gustong tsumismis.
Kahit ano pang pagpipilit walang nalaman ang mga ito sa tunay na nangyari kay Jam.
(Itutuloy)