Black Widow (19)

“MAY babae ang mister ko Marie! Matagal na pala akong niloloko!’’ Sabi ni Jam at humagulgol. Walang pakialam kung may makakita o maka­rinig sa kanya.

Hindi naman makapagsalita si Marie. Nabigla siya sa sinabi ng kaibigan dahil ang pagkakilala niya sa mister nito ay mabait. Madalas ikuwento ni Jam ang mister nito sa kanya. Nakita na niya minsan ang mister ni Jam noong Christsmas party nila at mukha namang matino.

“Paano mo nalaman, Jam?’’

“Nabasa ko ang text message. Naiwan kasi niya ang cell phone sa banyo at nakita ko. Nang kukunin ko, biglang may nag-message. Binasa ko at…” tumigil si Jam sa pagbabasa at muling tumulo ang luha.

“Anong nakalagay sa text?’’

“Tinatanong ang asawa ko kung saan sila magkikita. Sa iba raw namang lugar sila dahil nakakasawa na sa dating pinupuntahan. Tapos ay nagsabi pa na agahan daw nila ang punta para makarami.’’

Shock si Marie.

“Anong ginawa mo pagkatapos mong mabasa ang text?’’

“Agad kong kinumpronta ang asawa ko. Sinugod ko siya habang nasa kuwarto at nagbibihis. Ipinakita ko ang nakalagay sa text. Pinagdul­dulan ko sa mukha niya. Tinanong ko kung sino ang babaing iyon. Nagtapat ang asawa ko, kabit nga niya!’’

“Inamin niya?’’

“Oo. Kaopisina raw niya ang babae.’’

“Tapos ano pang sinabi?’’

“Nagkikita nga raw sila.’’

“Talagang sinabi ang ginagawa nila?’’

Humagulgol si Jam. Hindi na napigilan ang sarili. Inilabas lahat ang sama ng loob.

“Ang daming mamamatay na lalaki ay kung bakit hindi pa ang asawa ko. Sana mamatay na ang asawa ko!”

Hindi makapagsalita si Marie. Natulala siya sa mga nangyari kay Jam. Kung siya ay namum­roblema kung bakit laging namamatayan ng asawa­, si Jam naman ay nananalangin na sana ay mamatay na ang asawa niyang nangaliwa.

“Ano ang balak mo ngayon, Jam? Makiki­paghiwalay ka ba sa mister mo?’’

“Hindi ko nga alam ang gagawin ko, Marie. Litung-lito ako! Basta ang dinadasal ko ay mamatay na ang asawa ko. Bakit hindi pa siya mamatay! Wala naman akong ginagawang masama sa kanya at tapat ako sa kanya pero niloko niya ako!

(Itutuloy)

Show comments