Black Widow (17)

NGUMITI ang lalaki kay Marie at ginantihan din naman niya ng matipid na ngiti. Hindi kasama ng lalaki ang batang babae na nakita niya noon. Hula ni Marie, baka susunduin din ng lalaki ang bata na maaaring anak nito.

Pakiramdam ni Marie nang ngumiti ang lalaki ay gustong makipagkilala sa kanya.

Pero biglang dumating si Pau at tinawag siya.

“Mommy!’’

Hindi na natuloy ang pakikipagkilala sana ng lalaki nang lumapit si Pau. Binalingan ni Marie si Pau.

‘‘Ba’t ang tagal mong lumabas? Kanina pa ako rito.’’

“May sinabi pang activities namin si Teacher, Mommy.’’

‘‘Ah ganun ba? Akala ko hindi na kayo palalabasin.’’

“Mommy sa Lunes, pinagdadala kami ng cartolina at pentel pen.’’

“Bakit daw?’’

“May ipagagawa sa amin si Teacher.’’

‘‘Ah okey sige. Tena na.’’

Nang tumingin si Marie sa paligid, nakita uli niya ang lalaki sa di-kalayuan at nakatingin sa kanya. Nagkatinginan uli sila.

Binawi niya agad ang pagkakatingin sa lalaki. Baka akalain na nakikipag­titigan siya.

“Sinong tinitingnan mo Mommy?’’ Tanong ni Pau.

‘‘Wala! Napatingin lang ako sa may gate.’’

‘‘’Kala ko may tinitingnan ka.’’

“Sino namang titingnan ko?’’

Hindi sumagot si Pau.

Nagyaya na si Marie sa anak.

‘‘Halika na at nagugutom na ako. Tamang-tama pagdating natin sa birthday party ng pinsan mo, umpisa ng kainan.’’

Umalis na sila. Habang patungo sa sakayan ng dyipni, nag-iisip si Marie. Mabuti at hindi nahuli ni Pau na ang lalaki ang tinitingnan niya. Matalas talaga ang pakiramdam ni Pau.

Nang mga sumunod na araw ay inaasahan ni Marie na makikita uli ang lalaki. Nagtataka siya sa sarili kung bakit umaasa pang makikita ang lalaki. Di ba nangako na siya na hindi na makikipagrelasyon dahil gusto niyang maputol ang sumpa na bawat lalaking nauugnay sa kanya ay namamatay. Kung hindi na siya gugusto, wala nang mamamatay. Pero bakit tila atat siyang makita ang lalaki?

Hindi niya nakita ang lalaki nang umagang iyon. Maski nang mga sumunod na paghahatid at pagsundo niya kay Pau.

Bakit kaya?

Pero ano ba ang pakialam niya? Bakit para siyang tanga na umaasa?

(Itutuloy)

Show comments