TATAKAS si Geof! Hindi siya papayag na mabulok sa bilangguan. Kapag nakatakas siya, uunahin niyang puntahan ang taong nagpakulong sa kanya – si Carmina. Gagantihan niya! Pati si Gina, kasama niyang gagantihan. Ipatitikim niya sa mga ito ang bangis ng paghihiganti. Pagkatapos niyang magantihan, isusunod naman niya si Garet at ang ina nito. Lahat sila ay makakatikim ng ngitngit ni Geof.
Pinlano niya ang pagtakas. Hindi siya makikipagkutsaba sa ibang bilanggo. Mas pumapalpak kapag may kakutsaba. Problema pa kapag mahina ang kasamang tatakas. Baka maging bitbitin pa.
Kung siya lamang mag-isa ang magpaplano, magiging mabilis ang pageskapo niya.
Pinag-aralan ni Geof ang galaw ng mga guwardiya ng jail. Hindi naman siya sa maximum security nakakulong kaya maluwag ang mga guwardiya. Kapag nalingat, puwedeng makatakas. Pero kailangang maging maingat siya. Kailangang huwag maghinala ang sinuman na mayroon siyang binabalak. Magkukunwari siyang walang alam.
Dumating ang pagkakataong hinihintay ni Geof. Nakalingat ang jailguard. Tiwalang-tiwala ito na walang magtatangkang tumakas sa mga binabantayang bilanggo. Sinamantala ni Geof ang pagkalingat ng jailguard at mabilis na nakalabas sa bilangguan.
Walang sinayang na panahon si Geof. Lakad-takbo na ang kanyang ginawa para makalayo sa bilangguan.
Pero nalaman agad ang kanyang pagtakas. Nakarinig siya ng wangwang. Hinahanap na siya.
Nataranta na si Geof. Sa pagkataranta, pumasok sa isang building at nang makita ang isang sekyu na walang kamalay-malay sa nangyayari, bigla niyang binunot ang baril nito. Tinutukan ang guwardiya at sinabihan na huwag susunod. Mabilis na nakalabas si Geof sa building at nagtatakbo habang hawak ang baril.
Sa isipan niya, hindi siya pahuhuli.
Dumami ang mga patrol car na naghahanap sa kanya. Halos mapuno ng wangwang ang paligid.
Hanggang isang police car ang sumulpot sa unahan niya. Nagbabaan ang mga sakay na pulis.
Nagbabala ang mga ito na huwag na siyang tumakas.
Pero wala nang naririnig si Geof. Sa halip na tumigil, pinaputukan ang mga pulis. Hindi siya susuko! Hindi siya pahuhuli!
Hanggang sa magpaputok na ang mga pulis.
(Itutuloy)