(Sequel ng Sinsilyo)
HINDI na sumagot si Garet sa ina. Magtatalo lamang sila. Hindi naman siya mananalo rito. Hindi rin siya pakikinggan nito. Nasabi na niya rito ang dapat sabihin pero sa kabila nun ay hindi pa rin siya pinakinggan. Mas mabuti nga ay huwag na niya itong pakialaman sa anumang gagawin. Sino nga ba siya para pakialaman ang mga pasya. Siya pa rin ang reyna sa bahay. Siya pa rin ang magdedesisyon sa mga dapat gawin. Walang makapagdidikta sa kanya kung ano ang dapat gawin.
Naipangako ni Garet sa sarili na hindi na makikialam sa mga gagawin o balak ng kanyang mama. Hindi na siya magsasalita. Tatahimik na lang siya. Iyon ang pinakamagandang gawin para wala nang gulo. Pero naitanong din naman ni Garet sa sarili, kaya ba niyang manahimik?
Napahinga na lang nang malalim si Garet. Ngayon lang niya naisip na mahirap ang nag-iisang anak. Kung may kapatid, mayroon siyang kakampi at katulong sa pagpapaliwanag sa kanilang mama ukol sa pagkuha ng driver. Pero dahil nag-iisa nga, balewala siya sa kanyang mama. Ang gusto nito ang masusunod.
Napahinga uli siya nang malalim.
Pasya niya, huwag na ngang makialam sa mga balak ng mama niya. Kapag may nangyaring masama, ang mama lang niya ang may responsibilidad. At masusumbatan niya ito kapag nagkaganoon. Maaari na siyang magsalita nang magsalita kapag may nangya-ring hindi maganda. Puwede na niya itong pamukhaan kapag may nangyaring kapalpakan.
Saka bigla na naman niyang naisip ang kinuha nitong driver. Ang buong akala talaga niya ay mga 45 o 50 years old ang kukuning driver. Yun pala mga mahigit lang 20, baka mas matanda pa siya – siya ay 22 na. Ano kayang naisipan ng mama niya at kumuha ng batang driver. Sabi ng mama niya, nirekomenda ng kaibigan ang driver na ang pangalan ay Geof.
Hindi kaya “boylet” ng mama niya si Geof? Ito kaya ang kausap ng kanyang mama sa cell phone at kinikilig ito. Naalala niya ang sinabi ng kanyang mama sa kausap sa CP, “Ako ang bahala sa pera. Walang problema sa pera.’’
Hindi kaya pinalalabas lang ng kanyang mama na driver si Geof pero ang totoo, siyota niya ito. At dahil siyota, bubusugin niya ito sa pera at mga mamahaling damit, sapatos at alahas. Ibibigay niya lahat ang kailangan ni Geof at ang kapalit ay ang pagpapaligaya sa kanya.
Nag-isip si Garet. Ganun ba kahilig sa lalaki ang mama niya? Baka nga totoo ang sinabi ni Tita Carmina na mahilig sa lalaki ang kanyang mama. Bakit hindi niya magawang magalit kay Tita Carmina kahit na ganun ang sinasabi sa kanyang mama. Dahil kaya, totoo iyon?
Napahinga muli nang malalim si Garet.
MULA nang maging driver ng kanyang mama si Geof, napansin ni Garet na laging posturyusa ang ina. Lalong paseksi ang suot nito. Matagal mag-ayos sa salamin.
(Itutuloy)