TINUTOO ni Mama Julia ang sinabi na kukuha ng drayber. Ang kagustuhan pa rin nito ang sinunod.
Pero ang hindi maintindihan ni Garet ay kabataan pa ang kinuhang drayber. Ang akala niya, mga edad 40 ang kukunin pero nagulat siya dahil mukhang 20-anyos lang ang drayber. Baka mas matanda pa siya. Hindi niya maintindihan. Kung anu-ano ang naiisip niya. Hindi kaya “boylet” ng mama niya ang lalaking ito?
“Siyanga pala Geof siya ang daughter ko, si Margarita o Garet.’’
Yumuko si Geof bilang paggalang kay Garet.
“Good morning po Mam Garet.’’
“Sige na, Geof, linisan mo ang kotse at maya-maya ay aalis na tayo. Siyanga pala, kumain ka na ba?’’
“Kumain na po Mam Julia.’’
“Totoo? Baka hindi pa?”
“Kumain na po.’’
“Sige, linisin mo nang kotse. Maliligo lang ako.’’
“Opo, Mam Julia.’’
Hindi na nakatiis si Garet at kinausap ang kanyang mama. Hindi niya gusto ang ginawa nito. Gayunman, mababa pa rin ang kanyang boses. Pinilit niyang maging mahinahon.
“Makakasama natin ang drayber dito sa bahay, Mama?’’
“Sino bang maysabi? Di ba sabi ko, pupunta lang dito kapag may service o lakad kami. Hirap sa’yo nagagalit ka agad.’’
“Kasi nga’y natatakot ako. Alam mo naman ang nangyayari ngayon. Uso ang krimen. Pati ang amo, pinapatay.’’
“’Yan bang itsura ni Geof papatay yan? Tingnan mo nga!”
Napairap si Garet.
“Hindi titira rito si Geof. Pupunta lang siya rito ka-pag may lakad kami. Gaya ngayon, may lakad kami. Tingnan mo’t ang aga.’’
“May asawa ba ‘yan?’’
“Binata raw.’’
“Saan mo siya nakuha?’’
“Nirekomenda ng friend ko.’’
“Hindi mo na hiningian ng police clearance o NBI man lang.’’
“Hindi na! Kasi nga kilala ng friend ko.’’
Napahinga si Garet. Sinulyapan si Geof na pinupunasan ang Chedeng ni Mama Julia.
“Mabuti ang may driver ako para hindi na ako nai-stress. Gusto ko naka-prente ang upo. Mahusay mag-drive si Geof. Safe na safe ako.’’
“Bahala ka na nga ‘Ma. Basta nagpaalala na ako sa’yo.’’
“Oo na. Ako nang bahala. Huwag mo na akong pakialaman.’’
(Itutuloy)