“NAKILALA ko si Troy. Siya ang pumawi ng mga sakit na nilikha ni Ave sa aking puso. Naging masaya kami ni Troy. Bagama’t hindi kami nagkaanak,” sabi ni Carmina kay Garet.
“Nasaan na po si Troy?”
“Patay na. Atake rin sa puso ang ikinamatay gaya ni Ave – ng papa mo. Ganun lang yata kahaba ang buhay ng mga lalaki ngayon.’’
“Biyuda ka na rin pala, Tita Carmina.’’
“Oo.’’
Natahimik sila.
Maya-maya, si Carmina muli ang nagsalita. Binibigyan na ng konklus-yon ang mga kinuwento ukol kay Julia – ang mama ni Garet.
“Nasabi ko na siguro lahat ang gusto mong malaman ukol sa mama mo at papa mo ano? Mayroon ka pa bang gustong malaman?”
“Wala na po Tita maliban na lamang kay Lolo Dionisio, alyas Kastilaloy.’’
Nagtawa si Carmina.
“Wala na rin yata akong masasabi sa aking ama. Palibhasa’y iniwan nga kami. Pero bakasakaling may mabulatlat pa ako sa mga gamit ni Mama na magsasabi ukol kay Papa. Baka mayroon pang naitago si Mama. Pero hindi ako na-ngangako. Isa pa, wala na rin kasi akong interes sa buhay ng aking ama. Hanggang ngayon kasi may nadarama pa rin akong hinanakit kay Papa. Ewan ko ba kung bakit. Siguro naiintindihan mo ako, Garet.’’
“Opo, Tita.’’
“Pero sa mama mo, wala na akong galit sa kanya kahit naging magkaagaw kami o inagawan niya. Wala na iyon. Nalimutan ko na ang lahat.’’
Huminga si Carmina.
“Isa lang ang obserbasyon ko sa mama mo Garet. At huwag mong ikagagalit. Sinasabi ko ito hindi dahil sa nagkaroon kami ng away noon.’’
“Ano po ‘yun?’’
“Mahilig sa lalaki ang iyong mama. Marami na rin akong narinig ukol doon…’
Hindi makapagsalita si Garet.
(Itutuloy)