Kastilaloy (20)

(Sequel ng Sinsilyo)

“PAGKATAPOS pong hi­puan si Mama, ano ang ga­gawin ni Kastilaloy?’’ tanong ni Garet kay Carmina.

‘‘Aalis bigla si Papa o si Kastilaloy – lalabas na sa kuwarto.’’

‘‘Pero bakit po hindi tumututol si Mama? Di po ba kapag hinihipuan ka na, dapat ang reaksiyon mo e pumalag?’’

‘‘Ganun talaga dapat. Pero ang nangyari, pumayag ang mama mo.’’

Napahinga nang mala-lim si Garet.

At nagtanong, ‘‘Bakit ma­rami kang alam tungkol kay Mama, Tita Carmina?’’

‘‘Magkababata kami. Classmate pa nga kami sa kolehiyo.’’

“Classmate? Hindi po niya naikukuwento. Wala po siyang nasasabi tungkol diyan. Tingin ko nga po, hindi ka niya kilala.’’

Nagtawa si Carmina pero mahina lang. At saka tinitigan si Garet.

‘‘Ganun talaga ang magkaribal, Iha.’’

‘‘Magkaribal po? Saan po kayo magkaribal?’’

‘‘Sa isang guwapong lalaki. Kaklase rin namin ang lalaki.’’

‘‘Ano pong name ng lalaki?’’

“Ave. Ave Buenviaje.’’

“Si Papa?’’

‘‘Oo. Guwapung-guwapo ang Papa mo. Kamukha mo nga siya.’’

‘‘Wala pong naikukuwento si Mama ukol diyan. Magkaribal pala kayo.’’

‘‘Dapat ako ang asawa ni Ave at hindi si Mama mo, kaya lang, mabilis siya. Ako naman ay mahina at anak lang daw sa labas kaya, ayun, pati lalaking mahal ay nawala. Pero natanggap ko naman ang pagkatalo. E talagang mahusay ang mama mo.’’

Napahinga uli nang malalim si Garet. May malalim palang kuwento ang mama niya at si Carmina. Akalain ba niyang ganito pala kala­lim? Kung hindi niya pinagtiyagaang hanapin itong si Carmin­a, wala siyang malala­man dahil ayaw namang magkuwento ang kanyang mama. Pawang ang masamang bahagi ng mag-inang Amparo at Carmina Polavieja ang sinasabi sa kanya.

“Tita, magkaaway ba kayo hanggang ngayon ni Mama?’’ tanong ni Garet pagkaraan.

Nilaru-laro ni Carmina ang tasa na nasa harapan.

‘‘Ako naman ay madaling magpatawad. Kapag nangyari na, wala na ‘yun sa akin. Kaso nga ay masyadong naapi si Mama. Iniwan na nga kami ni Papa ay kami pa ang naagrabyado sa mga mana. Legal na asawa si Mama pero ewan ko kung bakit wala siyang natanggap na mana. Namatay at namatay siya ay walang nakuha sa dapat ay share ni Papa. Mabait lang si Mama kaya hinayaan na niya. Talagang wala siyang nakuha.’’

‘‘Pero kayo raw po ang umukopa sa bahay na nasa Blumentritt. Ipinagbenta mo raw po.’’

Nagtawa si Carmina.

(Itutuloy)

Show comments