“ALAM ba ng mommy mo na pupuntahan mo ako, Garet?’’ tanong ni Carmina sa mababang boses. Maganda ang boses ni Carmina na bagay sa kaanyuan. Maganda ang mukha ay maganda rin ang boses ni Carmina.
“Opo.’’
“Ano naman ang nagtulak sa’yo para hanapin ako? Matagal nang panahon na walang kontak ang mga Polavieja sa isa’t isa lalo pa ang angkan mula kay Dioniso Polavieja. Mula nang lumayas si Papa, itinu-ring na namin ni Mama --- ni Amparo Polavieja na wala nang kaugnayan sa iba pang Polavieja.”
“Alam ko po kung bakit, Tita?’’
“Sino ang nagsabi sa’yo, Garet?’’
“Si Mama po.’’
“Hmmm.’’
Natahimik sila.
Maya-maya, may itinanong si Carmina.
“Ano ang mga nalaman mo, Garet? Tungkol sa akin at kay Papa?”
Hindi na nagpaliguy-ligoy si Garet.
“Nalaman ko po na hindi ka raw totoong anak ni Lolo Dionisio – totoo po ba, Tita? Huwag ka pong magagalit.’’
“Ba’t naman ako magagalit?”’
“Kasi po, iyon daw ang dahilan kaya lumayas si Lolo Dionisio sa bahay ninyo. Hindi ka raw po tunay na anak dahil nahuli raw po ni Lolo Dionisio ang asawang si Amparo na may katalik na iba.’’
Nagtawa si Carmina pero mahina lang.
“Kawawa naman pala ako. Pati pala iyon ay ginawaan ng kuwento. Kawawa talaga kami ni Mama.’’
“Ibig mo pong sabihin, hindi totoo ang kuwento na anak ka sa ibang lalaki ni Lola Amparo?”
“Of course not! Anak ako ni Papa.’’
“Pero bakit po ganun ang kuwento? Ano po ang dahilan at lumabas ang ganoong kuwento na hindi ka anak ni Lolo Dionisio?’’
“Mahabang kuwento at napaka-masalimuot.”
“Si Lolo Fernando po ang nagsabi na kaya lumayas si Tiyo Dionisio ay dahil nanlalaki ang asawa nito --- si Lola Amparo.’’
“Kawawa naman si Mama.”
“Hindi po totoo ‘yun?’’
“Hindi!’’
“Pero bakit po lumayas si Lolo Dionisio sa bahay ninyo at iniwan kayo?”
“May problema sa sarili si Papa. Hindi ko kayang maipaliwanag kung ano ‘yun. Nakakahiya.’’
“Yun po ba ‘yung mahilig manilip – Peeping Tom at nagpaparaos?’’
“Meron pang higit dun. Hindi pa naikuwento ng mommy mo?’’
“Hindi po. Ang pagiging Peeping Tom lang ang sinabi.’’
“Nagkuwento na rin lang ang mommy mo e hindi pa kinuwento lahat. Sabagay baka nahihiya rin siya. Baka nabiktima rin siya ng kanyang tiyuhin…’’
Nag-isip si Garet. Ano kaya ‘yun?
(Itutuloy)