ISANG may edad na babae ang nakasalubong ni Garet sa Basilio St. makalampas ng Dapitan. Nagtanong siya rito.
“Manang, kilala mo po ba si Carmina Polavieja? Saan po ba ang bahay niya?’’
“Ah si Carmina? Yun yung bahay na kulay green ang gate. Yung nasa kanan.’’
“Yun pong may taong nakatayo?’’
“Makalampas ng tao.’’
“Salamat po Manang.’’
Tinungo ni Garet ang bahay na kulay berde ang gate. Makitid ang Basilio St. Salubungan lamang ang mga sasakyan. Pero kahit na salubungan, may mga nagpa-parking pa rin ng sasakyan sa harap ng bahay. Paano kaya kung trak ng basura ang dumaan.
Nilampasan niya ang lalaking nakatayo sa gitna ng kalye. Tiningnan siya ng lalaki.
Tinungo niya ang bahay na berde ang gate. Mababa lamang ang pa-der at gate na bakal. Kung lalabas ang may-ari ay kita agad niya.
Bagong renovate ang bahay. Halatang kapipintura lamang.
“Tao po! Tao po!” tawag ni Garet.
Walang kumikilos sa loob.
Tumawag muli siya.
Maya-maya may lumabas. Isang babae. Katulong siguro.
“Puwedeng magtanong?”
“Ano po ‘yun?”
“Ito po ba ang bahay ni Carmina Polavieja?’’
“Opo. Sino po ba ikaw?’’
“Ako si Margarita. Apo ni Fernando Polavieja.”
“Sandali lamang po at sasabihin ko kay Ate.’’
“Salamat.’’
Umalis ang babae.
Makaraan ang ilang sandali ay nagbalik ang babae. Lumapit sa gate at inalis ang kandadong nakasabit. Binuksan.
“Pasok ka po.’’
“Salamat.’’
Isinara ng babae ang gate.
“Halika po sa loob.”
Sumunod si Garet sa babae.
Pumasok sila sa bahay. Malaki ang salas. Malinis. Bago ang sopa.
“Maupo ka at tatawa-gin ko si Ate.’’
Naupo si Garet,
Maya-maya, lumabas si Carmina.
Maganda, matangkad, mukhang mabait.
“Good morning po,’’ sabi ni Garet at tumayo.
“Good morning. Maupo ka.’’
“Ako po si Margarita. Apo ni Lolo Fernando Polavieja na brother ni Lolo Dionisio.”
“Daughter ka ni Julia?’’
“Opo.’’
Napatangu-tango si Carmina. (Itutuloy)