NAGPALINGA-LINGA si Lyka nang nasa harap na ng room na kinaroroonan ni Mau. Tinitiyak kung mayroong nakakita sa kanya. Wala namang tao. Wala ring papalapit. Naghintay pa siya ng ilang segundo bago pumasok sa room.
Sumilip din siya sa room na kinaroroonan ni Mau at baka may ibang taong naroon. Wala! Tamang-tama! Tiyak niyang matatapos na si Mau ngayon. Hindi na niya hahayaang mabuhay si Mau. Kailangang patay na siya ngayon. Bukas, mababalita na lamang na wala na si Mau, ha-ha-ha!
Hinawakan niya ang door knob. Bukas! Hindi talaga isinasara dahil oras-oras ay may nagmomonitor na nurse.
Pinihit niya ang door knob. Pumasok siya. Malamig sa loob. Kumagat sa balat niya ang lamig.
Lumapit kay Mau. Walang kakilus-kilos si Mau. Pinagmasdan niya. Para itong mummy dahil sa dami ng nakabalot na benda sa katawan. Grabe ang sunog na natamo pero himalang hindi namatay.
Pero ngayon, sinisiguro niyang patay na si Mau!
Pinagmasdan niya ang dextrose ni Mau. Parang hindi yata dumadaloy iyon. Ah, bakit ba niya iintindihin kung hindi dumadaloy ang dextrose? Basta ang mahalaga ay mapatay niya ito ngayon.
Ibinaba niya ang tray sa mesa. Pagkatapos ay dinukot ang panyo sa bulsa. Nakabalot sa plastic ang panyo. Mayroon nang lason ang panyo. Itatakip lang niya sa mukha ni Mau at presto.
Inumpisahan niyang alisin ang benda sa mukha ni Mau. Tapat lang ng ilong ay puwede na. Doon niya itatapal ang panyo na ibinabad sa lason.
Naalis ang benda. Dinampot ang panyo.
Itatapal na niya sa ilong ni Mau ang panyo nang kumilos si Mau. Hinawakan ang braso niya. Mahigpit. Hindi makakilos si Lyka!
(Itutuloy)