ALAS DOS ng madaling araw, biglang nagliwanag sa kalye nina Mau. Maya-maya pa may sumabog. Malakas. Kasunod niyon ay ang pagputok pa na parang putok ng rebentador. Kasunod ay ang pagkalat na apoy.
Nagkagulo na ang mga tao sa lugar nina Mau. “Mga kapitbahay, nasusunog ang bahay ni Mau. Gising kayo! Sunog-sunog! Tumawag kayo ng bumbero. Dali!” sabi ng isang lalaki na unang nakakita ng sunog. Nagtatakbo ang lalaki habang sumisigaw.
Hanggang sa mapuno nang malakas na sigawan ang bahaging iyon ng kalye nina Mau. Nagkanya-kanya nang buhat ng kanilang mga gamit ang mga tao sa takot na madamay ang kanilang mga bahay. Kailangang mailigtas ang kanilang mga gamit at sarili. Tiyak na kakalat ang apoy dahil ang mga bahay ay gawa sa mga maninipis ay mahihinang klase ng kahoy.
Patuloy ang apoy sa pagkalat. Pinatindi pa ng pag-ihip ng hangin. Parang dinidilaan lamang ang mga katabing bahay at sumisiklab na.
Hanggang sa magdati-ngan na ang mga truck ng bumbero. Sunud-sunod. Lalo nang maingay ang kalye. Bumusina ang mga truck ng bumbero kasabay ang sigaw na mula sa megaphone: “Alis kayo sa daan! Alis! Papasok ang bumbero!’’
Pero ang iba ay hindi nakikinig sapagkat abala sa paghahakot ng kanilang mga gamit. Ang iba ay tumulong sa paghila ng mga hose ng bumbero. “Dito po! Dito po ang unahin n’yo” Sabi ng mga lalaking tumutulong.
Binugahan ng tubig ang bahay ni Mau. Bahagyang lumiit ang apoy nang mapuntirya ng hose pero mamaya-maya lumaki muli dahil sa hihip ng hangin. Lalo pang lumakas ang apoy at hindi makaya ng mga nagdatingang fire trucks.
Nang mga sandali namang iyon ay biglang na-gising si Gaude sa malakas na wangwang, busina at serena ng mga truck ng bumbero na dumaan sa harap ng boarding house.
Lumabas siya at tiningnan ang mga bumbero. Patungo sa direksiyon ng kalye nina Mau. Malapit lamang sa boarding house ang kalye nina Mau. Kinabahan si Gaude.
Lalo pa siyang kinabahan nang makumpirmang sa kalye nga nina Mau nangyayari ang sunog. Una niyang naalala ay si Lolo Kandoy at mga matanda. Kung anu-ano na ang naglaro sa isipan niya. Baka nasunog na sila! Baka hindi nakalabas.
Nagpasya si Mau: Pupuntahan niya ang pinangyayarihan ng sunog. Mabilis siyang tumakbo sa lugar.
Mula sa malayo nakita niya ang usok mula sa nasusunog na bahay.
(Itutuloy)