“NANDIYAN na po si Tito Mau?’’ Tanong ni Gaude na may panginginig ang boses.
“Oo! Dumating kagabi. Kakaasar! Hindi man lang sinabing darating. Biglang-bigla! Marami pa akong gagawin e! Kulang pa ang nadedeposito ko e. Pero di bale, aalis din siya!’’
Hindi makatingin nang deretso si Gaude kay Lyka pero halata niya, disma-yado si Lyka. Naputol ang balak nito na magpapa-bilang pa ng barya sa kanya. Iyon ang dahilan kaya naiinis ito sa pagda-ting ni Mau.
“Kaya yung mga sinabi ko sa’yo ha, wala kang sasabihin kahit ano kay Mau. Alam ko, meron kang balak na magsumbong sa kanya. Huwag na huwag kang magkakamali at may mangyayari sa’yo. Sipiran mo yang bibig mo! Masama akong magalit!’’
Kunwari ay nagtakot-takutan si Gaude. Ipinakita niyang susunod siya sa anumang gusto ni Lyka. Ang hindi nito alam, buo na ang pasya niyang magsumbong kay Tito Mau. Maghahanap siya ng pagkakataon. Susundin niya ang payo ni Tata Kandoy na agad magsumbong sa oras na dumating si Mau.
Umalis na si Lyka. Ipinagpatuloy ni Gaude ang ginagawa. Pero kahit may ginagawa, ang balak niyang pagsusumbong kay Mau ang iniisip niya. Isasagawa niya ang plano. Patay kung patay na! Huhubaran niya si Lyka!
Pero tila hindi magkakaroon ng katuparan ang balak niya sapagkat nakabantay si Lyka kay Mau. Kahit saang parte ng bahay magpunta ay nakabuntot.
Nang lapitan siya ni Mau ay nakabuntot pa rin si Lyka.
“Kumusta Gaude?” tanong ni Mau.
“Okey lang po Tito. Kailan ka po dumating?” Habang nagsasalita napansin ni Gaude na nakatingin nang matalim si Lyka sa kanya. Tila pinaaalala na huwag magsusumbong.
“Kaninang madaling araw ako dumating Gaude. Nasorpresa ko si Tita Lyka mo, ha-ha-ha!”
Nakatingin lang si Gaude kay Mau.
Hanggang may mapansin si Mau.
“Tingin ko pumayat ka Gaude. May problema ka ba? Yang pisngi mo e humpak. Lumubog!’’
Hindi makasagot si Gaude. Nakatingin sa kanya si Lyka. (Itutuloy)