NAGMAMALAKI si Kastilaloy sa pagkakapatay sa daga. Tinawag pa siyang tonto. Naisip ni Gaude, napakabilis namang nahuli at napatay ni Kastilaloy ang daga. Wala pa yatang isang oras mula nang mag-usap sila e napatay agad ang daga.
“Ano ang masasabi mo? Ayan na ang pinuproblema ni Lyka. Mahina ka kasi!” sabi pa ni Kastilaloy.
Nang-iinsulto na naman si Kastilaloy. Huwag na nga niyang sagutin at baka magkaroon lamang ng argumento. Siya na ang magpapasensiya.
“Sige, tawagin mo si Mau at sabihin mo, naresolba na ang problema. Sige na tawagin mo na, en punto!’’
Parang hari kung mag-utos si Kastilaloy. Pero naisip ni Gaude, dapat ngang makita ni Tito Mau ang daga para may ebidensiya. Kung walang ebidensiya baka hindi maniwala si Tita Lyka.
Pinuntahan niya si Mau sa kuwarto nito. Dahan-dahan niyang kinatok ang pinto. Baka naiistorbo sa ginagawa ang dalawa e pagalitan siya.
Maya-maya, binuksan ni Mau ang pinto. “O Gaude anong problema?”
“Nahuli na po ang daga!”
“Talaga? Nasaan?”
“Naroon po sa labas.’’
“Teka at titingnan namin ni Lyka,” isinara ang pinto.
Maya-maya lumabas ang dalawa. Nasa may pinto ng kusina si Gaude.
“Nasaan?” tanong ni Mau.
“Narito po sa labas. Dito sa likod.’’
Lumabas sina Mau at Lyka kasunod ni Gaude.
Nakita nila si Kastilaloy na nakatayo at nasa paanan nito ang daga.
“’Yan po ang daga. Napatay po ni Lolo Dune.”
“Ang laki! Parang pusa na ‘yan ah,” sabi ni Mau at binalikan si Lyka, “’Yan ba ang daga, Lyka?”
Atubili si Lyka. Hindi makasiguro.
“Oo. Parang yan nga.’’
“O di hindi ka na matatakot ngayon sa banyo. Magpasalamat ka kay Tata Dune. Mabuti at maliksi pa si Tata at nahuli ang daga.’’
“Salamat po Tata.’’
“Walang anuman, Lyka. Kasi’y mahina kasi itong si Gaude. Tatae-tae!’’
Nagpipigil na si Gaude. Ano kaya at ibisto na niya kay Lyka ang matanda. Sabihin na kaya niya na sinisilipan nito si Lyka? (Itutuloy)