SINUNDAN ng tingin ni Gaude si Lolo Kastilaloy. Nagmamadali ito sa pagpasok sa bahay na lata. Parang mali-late sa magandang panonoorin. Kabisado na nito ang oras ng paliligo ni Tita Lyka. Pero bakit wala siya kahapon? Bakit hindi sinilipan si Tita Lyka? Nalimutan siguro. Baka nakatulog kahapon.
Ngayon ay alam na ni Gaude kung bakit ipinasalansan sa kanya ni Kastilaloy ang mga basyong lata at ginawang mistulang bahay --- para magkaroon ng kober ang bahagi ng pader na nasa tapat ng banyo. Libreng-libre nga naman sa panonood. Live na live!
May itinatago palang kahiligan si Kastilaloy. Matanda na pero mayroon pa ring pagkahilig sa babae. Bosero pa. Mabilis mag-isip ng paraan kung paano sisilipan si Tita Lyka at kung paano hindi mabubuking. Wala siyang kamalay-malay na ang ipinagawa sa kanyang pagsasalansan ng mga lata ay may balak palang kalokohan. Tama si Lolo Kandoy na isang kabalbalan ang naisip ni Kastilaloy. Kabisado na talaga ni Lolo Kandoy si Kastilaloy.
Ano kaya at bukuhin niya si Kastilaloy para makaganti siya rito. Huhulihin niya sa aktong naninilip at saka iba-blackmail. Tatakutin niya itong isusumbong kay Tito Mau. Tingnan kaya niya ang reaksiyon ng sutil na matanda. Maging mabait na kaya sa kanya? Hindi na kaya siya pagsalitaan nang masakit. Hindi na kaya siya mura-murahin na parang ito ang nagpapakain sa kanya? Siguro kapag nahuli niya sa akto ay hindi nito malalaman ang gagawin. Baka putlang-putla sa pagkabigla.
O dumiretso na siya kay Tito Mau at isumbong na niya ang ginagawang paninilip kay Lyka. Titingnan niya kung ano ang gagawin ni Tito Mau. Dito niya makikita kung kaya nga ba niyang paalisin sa bahay na ito si Kastilaloy.
Nasa ganoong pag-iisip si Gaude nang marinig niya ang pagsigaw ni Lyka mula sa banyo. EEEEEEE!
Nataranta si Gaude. Bakit kaya sumigaw si Tita Lyka? Nabisto siguro na sinisilipan siya ni Kastilaloy!
Narinig pa niya ang sigaw. EEEEEEE!
(Itutuloy)