Sinsilyo (47)

“ANONG oras ka uuwi, Gaude?” tanong ni Lolo Kandoy.

“Alas singko po. Bakit po?”

“Wala.’’

“Sige po, aalis na ako.’’

“Sige. Ingatan mo ang binigay kong beinte at baka malaglag. Mahirap hanapin ang kuwarta.’’

“Opo. Iingatan ko po.’’

Umalis na si Gaude.

Habang naglalakad, hindi siya makumbinsi na ang tulad ni Lolo Kandoy ay magagawang pakialaman ang mga iniipong barya ni Tito Mau. Hindi siya naniniwala na magagawa nitong magnakaw gaya ng sinabi ni Lolo Dune. Wala namang nakakita na aktong nagnanakaw. Hindi kaya kumakatha lamang ng kuwento si Lolo Dune dahil kaaway niya si Lolo Kandoy? Duda siya dahil mabait at mabuting tao si Lolo Kandoy.

 

KINABUKASAN ng umaga, dakong alas diyes, dumating na si Mau. Naglalampaso si Gaude sa salas nang dumating.

“O Gaude, kumusta?”

“Mabuti naman po, Tito Mau. ‘Kala ko isang linggo ka sa Baguio?”

“Nakakainip.’’

“Akala ko sa Linggo pa ang dating mo.’’

“Sana nga kaya lang, nainip na ako. O ano, wala bang naging pasaway sa mga matatanda?”

Hindi na sana niya sa-sabihin ang tungkol kina Lolo Dune at Lolo Kandoy pero sinabi rin niya. Mabuti nang alam nito ang nangyayari.

Napailing-iling si Mau makaraang sabihin ang tungkol sa dalawa.

“Hindi na nagkasundo ang dalawang ‘yan. Noon pa nagbabanggaan na ‘yan.’’

“Muntik na pong magpang-abot. Naawat ko lang.’’

“Sino ang unang susuntok?”

“Parehas po. Ang hirap ding umawat.’’

“Palagay ko si Tatang Kandoy ang unang susuntok ano? Mainitin kasi ang ulo ng matandang yun.’’

“Pareho lang po na nakaambang magsusuntukan.’’

“Mabuti at naawat mo. Malaking bagay talaga na narito ka. Kung wala ka, baka hindi ako nakalakwatsa. Tama lang na ikaw ang nakuha kong assistant, he-he.”

“Noon pong wala ako, nakakalabas ka rin gaya ng pagpunta mo sa Baguio.”

“Minsan lang. Mahirap iwanan ang mga matanda. At saka may mga na­wa­wala sa kuwarto ko. Kaya nga malaking bagay na narito ka. Mapagkakatiwalaan ka.’’

“Salamat po Tito sa pagtitiwala.’’

“Mayroon nga pala akong dalang strawberry jam,” sabi at kinuha sa bag ang pasalubong.

Nang mapansin ni Gau­de ang paglapit ni Lolo Dune. Parang may isusumbong kay Mau. (Itutuloy)

Show comments