“WALA naman pong naghahanap sa mga matanda?’’ tanong ni Gaude kay Tito Mau.
‘‘Wala naman. Naghihintay nga ako kung may pupunta rito para sunduin ang mga matanda pero walang dumarating. Kaya mula noon, naging ampunan na itong bahay ko. Wala naman akong magawa dahil nandiyan na sila. Hindi ko naman maaaring itaboy. Kung ang pusa nga kapag dumarating ay tinatanggap natin, e lalo pa ang tao at matanda pa. Kaya ayan, dumami nang dumami…’’
“Mabuti po walang matandang babae na dumarating?’’
“Wala. Kung may dumating, hindi ko na siguro alam ang gagawin ko. Nagtataka nga ako kung bakit pawang lalaking matanda ang dumarating.’’
“Bakit po kaya alam itong bahay mo ng mga matanda?’’
“Nagtataka nga ako.’’
“Siguro po niyaya rin ng mga matanda. Kapag nakakita ng matanda sa labas e ibinabalita na merong tirahan dito.’’
“Puwede nga ano. Siguro nga.’’
“Paano kapag may namatay o nagkasakit?’’
“’Yan nga ang iniisip ko. Pero awa naman ng Diyos wala pang namamatay. May nagkasakit pero lagnat lang. Nakuha sa Biogesic. Mukhang matibay ang mga matanda. Malalapad kasi ang taynga kaya mahaba ang buhay.’’
“Oo nga, napansin ko ang lalapad ng taynga lalo yung si Lolo Dune. Parang kawali ang taynga.’’
“Totoo nga siguro na kapag malapad ang tay- nga ay mahaba ang buhay, ano Gaude.’’
“Baka nga Tito Mau.’’
“Etong taynga ko, malapad?’’
“Katamtaman po, Tito.’’
“Baka mga 70 lang ay tigok na ako ano?’’
“Ilang taon ka na po ba, Tito?’’
“Singkuwenta na ako, kasing edad ko ang tatay mo.’’
‘‘Para kang treinta lang Tito.’’
‘‘Talaga? Binobola mo yata ako.’’
“Hindi Tito. Totoong mas bata kang tingnan kaysa kay Tatay. Kasi’y hindi ka masyadong naaarawan. Si Tatay kasi nakabilad sa araw kaya mukhang matanda.’’
“Salamat ha, bibigyan kita nang malaking baon sa pasukan, he-he!’’
Nagtawa rin si Gaude.
“E bakit wala kang asawa, Tito?’’
Napangiti si Mau. “Problema lang ang babae. Baka magulo lang ang buhay ko. Ayos na ako sa ganito. Puwede naman akong bumili lang ng por kilong karne,” sabi at nagtawa.
Nakuha ni Gaude ang ibig sabihin ni Mau. Ka-pag gusto nitong tumikim ng babae ay pupunta lang sa putahan.
‘‘Okey na ako sa ganito. Tahimik ang buhay,’’ sabi at tinapik sa braso si Gaude.
(Itutuloy)