Sinsilyo (20)

“MAYROON pong ipinagagawa si Tito Mau sa akin, Lolo Kandoy,” sagot ni Gaude na nasa boses ang pagkagulat. Hindi niya ina­asahang gising pa ang matanda gayung alas dose na.

“Anong pinaga­gawa?”

“A e may pina-type po?” Iyon ang na­sabi niya. Hindi niya sinabing nagbilang siya ng barya. Baka magalit si Tito Mau kapag sinabi niya ang totoo kay Lolo Kandoy.

“Ano ‘yun?’’

“Nag-type po --- sa computer po.’’

Napatango ang ma­tanda pero sa hula ni Gaude ay hindi nito alam ang sinabing “pagta-type”.

Naupo ang matanda sa sopa. Nakatayo si Gaude. Hindi niya alam ang sasabihin kay Lolo Kandoy. Sa halip ang matanda ang nagsalita.

“Huwag kang basta papasok sa kuwarto ni Mau. Magagalit yun. Ayaw niyang may papasok sa kuwarto niya.’’

“May ipinagawa po kasi siya. Alam po niya na papasok ako sa kuwarto niya.’’

“Basta huwag kang papasok nang hindi niya alam.’’

“Opo.’’

“Ano nga ang pa­ngalan mo? Hindi ko pa alam ang pangalan mo?”

“Gaude po. Sinabi ko na po sa iyo nun.’’

“Hindi pa. Itatanong ko ba kung alam ko.”

“Gaude nga po ang pangalan ko.’’

“Ano ka ni Mau?”

“Yung tatay ko po at si Tito Mau ay magpinsan.’’

“Ah.’’

“Bakit gising ka pa po Lolo?”

“Hindi ako maka­tulog.’’

“Nagugutom ka po? May bahaw pa po at ulam diyan.’’

“Ayaw ko.’’

“Kape po.’’

“Baka hindi ako ma­katulog. Pero sige, parang humahapdi ang sikmura.’’

“Tayo po sa kusina.’’

Nagtungo sila sa kusina. Naupo si Lolo Kandoy habang nagtitimpla si Gaude.

“Bukas, aalis uli ako,” sabi ni Lolo Kandoy.

“Saan ka po pupunta?”

“Diyan lang sa may España. Di ba a-treinta bukas?”

(Itutuloy)

Show comments