Halimuyak ni Aya (501)

WALANG nakakakilala sa babaing hinahanap nina Sam at Aya. Lahat nang mga pinagtanungan nila ay nagsabing hindi nila kilala si Girlie. Baka raw lumipat na ng ibang lugar ang hinahanap nila. Baka naman sa Maynila na naninirahan o baka naman daw nag-abroad na. Karamihan daw sa mga tao sa barangay ay nagtungo sa Italy para maging caregiver.

Umuwi sina Sam at Aya na walang nangyari. Hindi nila malaman kung kanino magtatanong. Walang nakakakilala kay Girlie.

Hanggang may maisip si Aya. Tinanong si Sam.

“Sam, bakit hindi natin itanong kung kilala nila si Lina. Di ba si Lina ang nanay ni Girlie?”

“Oo nga ano? Bakit hindi ko agad naisip? Bu­malik tayo bukas, Aya. Bakasakaling maituro na sa atin si Girlie.”

“Oo. Malakas ang kutob ko na maituturo na sa atin si Girlie.’’

Bumalik kinabukasan sina Sam at Aya. Nagta­nong uli sa barangay kung saan nakatira dati sina Lina.

Isang mag-asawang matanda ang kanilang napagtanungan. Nagkukuwentuhan sa bakuran ang mag-asawa nang lapitan nina Sam at Aya.

“Tatang, Nanang, mayroon po kayong kilalang Lina? Dati po siyang nakatira rito pero patay na. Matagal na pong patay.’’

“Lina? Teka…” sabi ng matandang lalaki. “Meron akong natatandaang Lina pero hindi ako sigurado. Yun bang napatay daw ng asawa?”

“Opo! Siya po!”

“Ang pangalan ng asawa ay si Kardo?”

“Opo, Tatang. Si Kardo po!”

“Wala na yung si Kardo. Nabilanggo yun makara-ang mapatay si Lina. Napatay sa Munti si Kardo.’’

“Tatang ang itatanong po namin ay kung nasaan ang anak ni Lina na si Girlie.”

“Ah si Girlie?” sabi naman ng matandang babae. “Nasa kabilang barangay sila. Doon na sila nakatira. Kasi’y wala silang sariling lupa at bahay kaya palipat-lipat. Maraming anak. Hirap na hirap ang buhay ni Girlie.’’

“Ganun po ba? Madali po bang makikita ang kinaroroonan nila?”

“Oo. Sumakay kayo ng traysikel at magpahatid sa kabilang barangay. Mga treinta pesos ang pamasahe. Dadalhin sila roon sa bahay nina Girlie. Kasi kilalang mangangarit ang asawa ni Girlie.’’

“Ano pong manganga­rit, Nanang?” tanong ni Aya.

Si Sam ang sumagot para sa asawa, “Magtutuba yun Aya.”

Napatawa ang dalawang matanda. Hindi akalain na alam ni Sam ang mangangarit.

“Dati po akong probinsiyano, Tatang, Nanang. Sa kabilang barangay po ako lumaki.’’

Napatango ang mag-asawa.

“Salamat po Tatang sa inpormasyon kay Girlie.”

Nagpaalam na sila sa mag-asawa.

MADALI nilang naki­ta ang bahay nina Girlie. Gulat na gulat si Girlie at ang asawa nito. Nagpakilala si Sam at Aya. Sinabi ni Sam na gusto niyang makabayad sa ina nitong si Lina dahil sa ginawang pagpapasuso nito noong sanggol pa siya. Inalok niya ng trabaho ang mag-asawa. Pati tirahan. Hindi makapaniwala ang mag-asawa.

(Itutuloy)

Show comments