Halimuyak ni Aya (417)

“PUWEDENG mag-usap tayo sa isang lugar na walang ibang makakarinig, Aya?’’ pakiusap ni Doc Paolo. Marahan ang tinig nito. Pati ang boses ay nagkaroon ng pagbabago.

“Opo Papa. Magha-half day na lang po ako. Magpapaalam ako sa boss ko. Dito ka lang maghintay Papa.’’

“Sige Aya.’’

Nagbalik sa kanilang opisina si Aya. Hindi pa rin siya makapaniwala na narito na ang kanyang ama. Paano kaya siya natunton? Paano nalaman na dito siya nagtatrabaho? Kailan pa kaya rito sa Pilipinas ang ama?

Nagpaalam si Aya sa kanyang boss. Whole day na ang hiningi niyang leave. Importante lang. Tiyak na kulang ang kalahating araw sa kanila ng ama. Marami silang pag-uusapan ng ama.

Sa isang restaurant sila nagtungo. Si Aya ang umorder ng kanilang pagkain. Hinayaan siya ng ama.   Nagsalita ito pagkaraan.

“Patawarin mo ako Aya sa lahat ng mga nagawa kong pagkukulang at kamalian,’’ sabi ni Doc Paolo.

Hindi makapagsalita si Aya. Mas nananaig ang pag-iyak.

“Marami akong nagawang kasinungalingan at mga kamalian sa buhay. Pero nagsisi na ako. Napagsisihan ko na lahat. Ang hinihingi ko na lamang ay ang kapatawaran mo. Kapag napatawad mo ako, maligaya na ako. At least, nabawasan na ang may galit sa akin. Alam ko, nagalit ka sa akin dahil hindi ko man lang sinilip ang mama mo habang nakaburol. Patawarin mo ako sa pangyayaring iyon.

“Nagsinungaling din ako nang sabihin sa’yo na masama ang ugali ng aking asawang doktora kaya ayaw kitang ipakilala sa kanya o dalhin sa aming bahay. Malaki ang kasalanan ko sa aking asawa. Napakabuti niya para saktan ko. Iniwan ko siya dahil sa ibang babae. Hindi ko dapat ginawa iyon kay Sophia. Bihira ang katulad ni Sophia…

“Napaka-walang utang na loob ko, binigyan na ako nang magandang kapalaran ay sinayang ko pa. Ako na ang medical director ng ospital pero hindi binigyang halaga. Napakasama ko talaga…’’

Tumigil si Doc Paolo at bumuntunghininga. Naka­tingin kay Aya. Nangingilid naman ang luha ni Aya. Nababagbag ang damdamin niya sa mga sinasabi ng kanyang papa. Labis ang pagsisisi nito sa nagawa kay Dra. Sophia.

“Sana hindi ako nag­hangad na magkaroon ng anak sa ibang babae. Sana hindi na ako nagtaksil pa. Sana, pinanana­tili ko na lang ang pagmamahal kay Sophia. Wala rin naman palang katutunguhan ang pakikipagrelasyon ko sa babaing pinagpalit ko kay Sophia. Sayang lang ang lahat na ibinuhos ko sa babaing ang idinulot sa akin ay walang kasing tinding pasakit. Niloko ako ng babaing iyon. Ipinagpalit din ako sa ibang lalaki…

(Itutuloy)

 

Show comments