Halimuyak ni Aya (342)

NANG palabas na ng pintuan sina Aya at Sam, may pabaon pang salita si Dra. Sophia para kay Aya.

“Aya, puwedeng dalawin mo uli ako?’

“Opo. Sure, Doktora.’’

“At saka puwede ba, huwag n’yo na akong tawaging Doktora. Hindi na naman ako nagpapraktis ngayon ng propesyon. Tita na lang ang itawag n’yo sa akin.’’

“Opo Tita. Gusto ko nga po na tawagin kang Tita,” sabi ni Aya.

“Sam ikaw din, Tita ang itawag mo sa akin, ha?’’

“Opo Tita.’’

“Salamat. Dalawin n’yo akong madalas. Gusto ko, laging may kausap.’’

Nagpaalam na  ang dalawa.

Habang nasa sasakyan sina Aya at Sam ay hindi pa rin sila makapaniwala sa ipinakita ni Dra. Sophia na pagpapahalaga sa kanila.

“Sam, tita na ang tawag natin sa kanya.’’

“Mabuti nga at nasasanay na tayo.”

“Alam mo kanina nang sabihin niyang gusto niya akong kausap, gusto ko na siyang yakapin. Kaya lang baka malantad ang lihim at kung ano ang mangyari.’’

“Okey na ang ganito Aya. Huwag ka na munang magsasalita nang may kinalaman kay Dr. Paolo. Siyem­pre, masakit ang paghihiwalay nila. At porke anak ka ni Dr. Paolo, baka kung ano mangyari. Hayaan na lang natin na panahon ang magbulgar.’’
“Palagay ko kaya niya akong gustong makausap ay dahil meron siyang nakikitang kakaiba sa akin. Baka yung feature ng mukha ko ay gaya ng papa. At baka kaya nag-iisip ay dahil kamukha ko si Papa.’’

“Puwede.’’

“Kailan tayo baba­lik sa kanya, Sam?”

“Next week, punta uli tayo. Tayo naman ang magdala ng pagkain. Sorpresahin natin.’’

“Sige Sam.’’

Ganun nga ang ginawa ng dalawa. Nang pumunta kay Doktora ay pawang pagkain ang dala.

Tuwang-tuwa si Doktora sa ginawa ng dalawa.

(Itutuloy)

Show comments