Halimuyak ni Aya (239)

DINUKOT ni Julia ang susi sa backpack. Sinusian ang pinto. Nabuksan. Madilim sa loob ng bahay.  Ini-on ni Julia ang switch. Lumiwanag.

“Halika Sam,” sabay hila rito.

“Nasaan ang Ate mo at mga anak niya?”

“Hindi ko alam.’’

“Bakit hindi mo alam?”

“Wala namang sinabi na aalis sila.’’

“Noong minsan na nagpunta ako rito, wala rin sila. Tuwing pumupunta ako rito wala sila.’’

“Nung nagpunta ka rito nasa probinsiya sila. Pero biglang dumaing di ba?”

Maya-maya may nag-ring na cell phone.

“Teka nag-ring ang CP ko. Baka si Ate!”

Dinukot ni Julia ang cell phone sa back pack. Tiningnan kung sino ang nag-text.

“Si Ate nga! Manonood daw sila ng sine sa    SM. Sabi ko na nga ba e.’’

Napabuntunghininga si Sam.

“Aalis na ako, Julia. May ime-memorize pa ako. May quiz kami bukas.’’

“Mamaya naman, Sam. Wala akong kasama rito. Baka may pumasok dito. May mga magnanakaw na ngayon dito. Nagdadaan sa bubong. Binabaklas ang bintana…mamaya ka na umuwi Sam.”

Nagkatinginan sila. Agad binawi ni Sam ang pagkakatingin kay Julia. Parang may nababasa siya sa mga mata ni Julia.

“Nagugutom ka Sam?”

“Busog pa ako.”

“May chicken salad sa ref.’’

Napangiti si Sam.

“Nung nagpunta ako rito may chicken salad din.’’

“Tira pa yun nung Linggo. Birthday ng pamangkin ko. Ipinaghahanda kapag birthday. Yun ang utos ng bayaw kong seaman.’’

“Sino ang gumawa ng salad?”

“E sino pa e di ako.’’

Napatangu-tango na lang si Sam.

“Ikukuha kita ng salad.’’

“Busog pa ako.’’

“Basta, ikukuha kita. Masarap ang pagkaka­gawa ko. Maraming pasas at pine­apple tidbits.”

Tumayo si Julia. Nasundan ni Sam ng tingin si Julia. Seksi kung lumakad. Maganda ang katawan ni Julia. Malaki na ang pinagba­go mula noong lumuwas dito sa Maynila para mag-aral. Noong nasa probinsiya pa sila, medyo patpatin pa si Julia. Ngayon ay nagkalaman na. At napansin din niya na biglang lumaki ang mga suso ni Julia. Noon ay parang umbok lang ng sintures ngayon ay parang papaya na.

Nakita niya ang paglapit ni Julia. Dalawang plato ang dala. Ibinaba sa center table. Mukhang masarap nga ang salad. Toasted bread nasa isang plato.

“Susubuan kita, Sam.’’

“Ako na lang.’’

“Basta susubuan kita.’’

Kumutsara si Julia ng salad at isinubo kay Sam. Hindi na makatanggi si Sam.  Nalasahan niya ang salad. Masarap nga. Mukhang na-perfect na ni Julia ang pagluluto ng chicken salad.

“Sarap ano?”

Tumango si Sam.

Kumutsara pa si Julia at isinubo kay Sam. Masarap talaga.

Pagkatapos ay dumampot ng toasted bread si Julia at isinubo kay Sam. Hindi na makatanggi si Sam.

“Teka at ikukuha kita ng juice.’’

“Tubig na lang yung malamig.’’

Kumuha si Julia.

Nang bumalik ay kumutsara muli ng salad at isusubo kay Sam.

“Maya-maya.’’

“Masarap ba talaga Sam?”

“Masarap.”

Hindi inaasahan ni Sam ang biglang paghalik ni Julia sa kanyang labi.

“Masarap?”

Hindi makasagot si Sam.

“Ulitin natin, Sam. Ang sarap mong humalik.’’

Inilapat muli ni Julia ang labi kay Sam.

Nalasap ni Sam ang malalambot na labi ni Julia. (Itutuloy)

Show comments