Halimuyak ni Aya (169)

“SINASAKTAN si Mama ng ka-live-in niya. Naaawa ako kay Mama. Grabe na ang dinaranas niya,” pagkukuwento ni Aya sa ama.

Napailing-iling naman ang doctor.

“Ilang beses ko nang si­na-bi kay Mama na bakit nagti-tiis sa pakikisama e puwede naman kaming mabuhay na dalawa kahit wala ang lalaki niya. Pero hindi magawa ni Mama na iwan ang lalaki. Hindi ko alam kung bakit.’’

Nakatingin lamang si Dok­ tor kay Aya. Walang masabi o maipayo.

“Minsan, naospital si Ma­ma, nawalan siya ng malay. Akala ko inatake o na-stroke. Isinugod namin sa ospital. Takot na takot ako. Hindi ko malaman ang gagawin. Baka mamatay si mama, paano na ako. Mabuti na lamang at stress daw ang dahilan kaya nagkaganoon. Yung asawa niya, hindi man lang nagpakita sa ospital...”

Nakatingin lang si Doktor kay Aya.

“Nang muli kong ulitin kay Mama na bakit nagtitiis siya sa lalaking iyon, sabi niya hindi raw niya kayang iwan. Unawain ko raw siya. Basta ganun lang. Away, bugbog at magkakasundo uli. Paulit-ulit lang. Kaya nang magtagal, hindi ko na tinatanong ukol doon. Isinuko ko na ang sarili. Kahit ano pa ang aking sabihin, hindi ko siya mapipilit. Pilit kong inuunawa. Mahal ko kasi si Mama kaya ganoon na lamang ang pag-aalala ko.”

Napabuntunghininga ang doctor.

“Noon, naisip ko ring humiwalay na lang kay Mama. Nagsasawa na nga ako sa mga nangyayari sa kanila. Gusto kong magsarili. Pero nagmakaawa si Mama. Bakit ko raw siya iiwan? Matitiis ko raw ba na hindi siya makita. Nagbago ang pasya ko. Oo nga, bakit kailangan kong iwan si Mama para lang makapagsarili. Kawawa naman siya…’’

“Hindi ka na umalis?”

“Hindi na. Bahala na kung hanggang saan ang pagtitiis,” tumigil si Aya. At saka nagpatuloy sa pagkukuwento. “Pero nang tumagal, may napapansin ako sa ka-livein ni Mama. May nahahalata ako sa mga kilos niya. Lagi niya akong sinusundan ng tingin. Yung tingin na may pagnanasa. Kapag nangga-ling ako sa banyo, lagi akong hinahabol ng tingin. Para akong hinuhubaran…”

Napakunot ang noo ng doctor.

“Sinabi mo sa Mama mo ang napansin mo?” Sabing may diin.

“Hindi Papa.”

“Bakit?”

“Ayaw ko kasing madagdagan ang mga iniisip pa niya. Kasi’y baka ma-high blood uli at mahimatay uli. Natatakot ako.’’

“Pero kailangang malaman niya ang nangyayari. Maraming kaso ngayon ng incest rape. Maraming hayok sa laman!” (Itutuloy)

Show comments