Halimuyak ni Aya (74)

“BAKIT kaya ayaw ni Brenda na makipag-ayos sa mga magu-lang niya, Cion?” ta­nong ni Tatay Ado nang makaalis si Brenda.

“Nakikipag-ayos nga siya sabi sa akin pero matabang daw ang pakikitungo sa kanya. Matindi ang sama ng loob dahil sa nangyaring pagkakabuntis sa kanya. Nagbigay daw siya ng kahihiyan sa pamilya. Gusto nga niyang dalawin ang kanyang ina pero yung mga kapatid daw niya ang nagagalit. Huwag na raw siya magpakita at baka pati ang mama nila ay mamatay sa sama ng loob.”

“Kawawa pala talaga si Brenda. Kaya siguro dito laging dumadalaw.”

“Tayo ang kinikilala na niyang magulang, Ado.”

“Kung hindi sa kanya, baka hindi natin nabibigyan ng magandang buhay si Sam. Parang tumama tayo sa lotto dahil sa binibigay sa atin ni Brenda.”

“Higit pa sa nanalo sa lotto, Ado.”

“Bukas pupunta ako ng bayan para humanap ng hand tractor. Ito ang matagal ko nang pangarap, Cion. Tiyak kapag may hand tractor ako, dadami pa ang ani natin. Sobra-sobra pa sa pagkain natin at makakapagbenta pa tayo. Yung perang binibigay ni Brenda, intact pa sa banko…’’

“E di ba gusto rin ni Brenda na lagyan ng extension ang bahay natin? Gusto niya may sariling kuwarto si Aya.”

“Oo. Sa isang linggo hahanap ako ng karpintero para maum-pisahan na. Gusto ko, pagdalaw ni Brenda at Aya ay tapos na ang kuwarto.’’

Kinabukasan, nagtungo sa bayan si Tatay Ado at naghanap ng hand tractor. Eksakto ang pagtungo niya sapagkat nagbaba ng presyo ang mga gamit sa bukid kabilang ang traktora. Nakipagkasundo si Tatay Ado at ilang araw lang ay dineliber ang kanyang tractor.

Sumunod na linggo ay ang pagpapagawa sa bahay ang inasikaso ng mag-asawa.

“Kailangan, pagdalaw ni Brenda at Aya, tapos na ito,” sabi ni Tatay Ado.

“Dapat magandang-maganda ang kuwarto ni Aya.”

Nakatingin lang si Sam sa ginagawa ng mga karpintero. Nasisiyahan din siya dahil magkakaroon ng bagong bedroom si Aya.

(Itutuloy)

 

Show comments