Halimuyak ni Aya (48)

“SANA naman ay hindi tayo malimutan ni Brenda, Ado,” sabi ni Nanay Cion habang nakatanaw sa bintana at umaasang darating sina Brenda at Aya.

“Huwag ka na munang umasa, Cion. Unang-una, hindi natin siya kaanu-ano. Basta kung dumating siya e di maganda. Basta huwag ka munang aasa nang todo. Mahirap mabigo. Hindi naman siguro tayo mamamatay sa gutom kung hindi siya dumating. Yung binubukid ko ay maganda naman ang aanihin natin ngayon at yung mga tanim kong mangga ay manibalang na. Marami tayong mapagbibilhan. Hindi tayo sasala sa oras. Maibibili pa natin ng damit si Sam.’’

“Pero naniniwala ako na darating si Brenda. Di ba sabi ni Lina, hindi sumisira sa usapan si Brenda. Kapag nangako ay tinutupad.’’

“Oo nga pero huwag kang masyadong umasa dahil mahirap mabigo.’’

Hindi na nagsalita si Nanay Cion. Pero malakas ang kutob niya darating si Brenda at Aya. Baka mas­yado lang busy.

Pero hindi dumating si Brenda nang mga sumunod pang buwan. Hindi na umaasa si Nanay Cion. Tama nga yata si Tatay Ado na huwag umasa sapagkat baka mabigo lamang.

LUMIPAS ang anim na buwan. Tuwid nang magsalita si Sam. Malikot na at gusto’y laging maglalaro sa harapan ng bahay. Lalong lumulutang ang kaguwapuhan habang lumalaki.

Isang umaga, binabantayan ni Nanay Cion si Sam habang naglalaro sa harapan ng bahay nang may pumaradang itim at bagong SUV. Hindi humihinga si Nanay Cion habang hinihintay kung sino ang sakay ng SUV. Pero malakas ang kaba ng dibdib niya.

Nang bumukas ang pinto ng sasakyan at lumabas si Brenda ay hindi maipaliwanag ang naramdamang kasiyahan ni Nanay Cion. Agad niyang tinawag si Tatay Ado na nasa loob ng bahay.

“Ado halika, narito na sina Brenda at Aya!”

“Oo sandali lang.’’

Mabilis na nakababa ng bahay si Tatay Ado. Sinalubong nila sina Brenda at Aya.

Si Sam ay tuwang-tuwa nang makita si Aya.

“Aya! Aya!”  Sigaw nito at nagtatakbo para salubungin sina Aya.

Si Aya naman ay masayang-masaya rin habang nakatingin kay Sam.

“Kumusta po, Nanay Cion,” sabi ni Brenda at mahigpit na niyakap ang matandang babae. Pagkatapos ay si Tatay Ado naman ang niyakap. “Kumusta po, Tatay.’’

“Mabuti naman, Brenda,” sagot ni Tatay.

“Pasensiya na po kayo kung ngayon lang ako nakadalaw. Masyado po akong busy,” sabi ni Brenda na ang tinig ay parang nababasag.

“Akala ko nalimutan mo na kami,” sabi ni Nanay Cion.

“Hindi ko po kayo malilimutan. Sabik na sabik akong makita kayong tatlo,” sabi at saka nilapitan si Sam na nakikipag-usap kay Aya. Hinalikan si Sam. “Ang laki na ng anak ko at ang guwapo. Na-miss mo ako, Sam?”

“Opo. Pati po si Aya.”

“Ay husay nang sumagot. Ikaw din, na-miss ni Aya. Di ba Aya, darling?”

“Opo, Mommy.’’

“Di ba may pasalubong ka kay Sam?”

“Opo nasa kotse.”

“Sige at ipakukuha ko. Marami kaming pasalubong sa inyo.’’

Nang makuha ang pasalubong sa sasakyan ay pumasok na sila sa bahay.

Maraming ipinagtapat si Brenda kay Nanay Cion. Iyon ang dahilan kaya matagal bago nakadalaw.

(Itutuloy)

 

Show comments