MARAMING ikinuwento sa akin si Kreamy mula nang magkita kami. Hindi matapus-tapos ang pagkukuwento niya. At lahat ay pawang sa kanyang papa. Mahal na mahal niya ang kanyang papa. Kaya maski na sinabi ko ang ginawa ng papa niya na itinakas siya sa akin noong baby pa, hindi nabawasan ang pagmamahal niya. Para sa kanya, ang papa niya ang da best father sa mundo.
“Natatandaan daw niya noon kapag dumarating ang papa niya mula sa Saudi lagi siyang kinukuwentuhan. Ikinukuwento raw sa kanya ang mga ginagawa sa Saudi. Pati mga pagkain doon na bawal ang baboy. Pawang isda lang daw at manok ang pagkain nila.
“Ikinukuwento rin ni Kreamy na maraming dalang alahas ang kanyang daddy. Nakalagay pa sa kahita. Pero ang pinagtataka raw niya ay kung bakit nawawala ang mga alahas. Kapag tinatanong daw niya ang kanyang “mama” ay sinisinghalan siya. Mainit daw ang ulo ng “mama” niya. Kaya para hindi uminit ang ulo nito ay hindi na lang siya nagtatanong. Noon ay hindi raw niya abot kung bakit ganoon na lamang ang galit o pagkainis sa kanya ng nakagisnang “ina”.
“Ang pinaka-malungkot daw na tagpo sa kabataan niya ay kapag aalis na ang kanyang papa patungong Saudi. Mga tatlong araw daw bago ang nakatakdang pag-alis ng kanyang papa ay iyak na siya nang iyak. Hindi raw siya makakain dahil sa sobrang sama ng loob. May pagkakataon pa raw na ayaw niyang pumasok sa school at baka makaalis ang kanyang papa na hindi sila nagkikita.
“At kapag ganoon daw ang inuugali niya, matatalim na tingin at bulyaw ang nakukuha niya sa kanyang “mama”. Sasabihin pa raw ng kanyang “mama” na maarte siya. Na huwag daw siyang umiyak-iyak at baka tamaan siya. Hindi raw niya kayang labanan ang matatalim na tingin ng kanyang ina. Kapag ganoong masama na ang tingin ng kanyang “mama” ay medyo tumatahimik siya.
“Minsan, hindi na niya naratnan ang kanyang papa sa bahay. Nakaalis na ito patungong Saudi. Masamang-masama ang kanyang loob. Sana raw ay hindi na siya pumasok sa school. Ayaw niyang kumain dahil sa sama ng loob. Nagalit ang “mama” niya. Itigil daw ang kaartehan. Huwag daw ubusin ang pasensiya niya at baka masaktan siya.
“Ang masakit pa ay sinabi raw ng kanyang “mama” na baka palayasin siya. Kung gusto raw niyang lumayas ay gawin niya. Napakasakit daw. Paano naaatim ng isang ina na palayasin ang kanyang anak na menor-de-edad?’’
Napatigil si Mam Siony sa pagkukuwento. Natangay sa ikinukuwento. Hindi niya matanggap ang ginawang pagpapahirap ni Mayette sa kanyang anak.
(Itutuloy)