“NANG una akong isama ni Dolfo sa villa ay hindi ako makapaniwala na puwede palang mangyari iyon. Puwedeng mangupahan ang isang lalaki at babae sa kuwarto at tuwing Biyernes lamang gagamitin. Para bang motel…” sabi ni Siony na bahagyang bumagal sa pagsasalita para maipaliwa- nag nang husto kay Troy ang kalakaran sa Riyadh ukol sa lalaki at babaing may lihim na affair.
“Kahit alam kong mali ang ginagawa namin, hindi na ako tumanggi o kaya’y tumutol. Paano ako tututol e mahal ko naman si Dolfo. Siya ang unang lalaki sa buhay ko. At saka talaga namang maalala-hanin siya. Wala akong masabi sa kanyang kabaitan. Kaya nga nagtataka ako kung bakit ganoon kasama ang ipinakita ng kanyang asawa sa kanya. Wala akong makitang masama kay Dolfo.
“Nang una kaming magtungo sa villa, doon naganap ang una naming pagsasalo sa kaligayahan. Sabi ko sa sarili ko, wala nang atrasan ito. Kahit kasalanan ang ginagawa namin, hindi na ako natakot. Basta ang nasa isip ko ng mga sanda-ling iyon ay mahal ko si Dolfo at mahal din niya ako. Iyon lang ang tanging nasa isip ko ng mga sandaling iyon. Mahal na mahal ko kasi siya…’’
Tumigil si Siony. Uminom ng tubig.
“Tuwing Biyernes lang po ba kayo nagtutungo sa villa?” tanong ni Troy.
“Oo. Biyernes lang kasi ang araw ng pahinga sa Saudi.”
“Hindi naman po nagtaka ang iyong mga amo na lagi kang lumalabas ng Biyernes?”
“Hindi. Sila nga ang nagpayo na lumabas ako ng Biyernes para naman makapag-enjoy daw ako. Huwag daw puro trabaho. Pero kailangan daw e dumating ako ng alas singko ng hapon. At sinusunod ko naman ang kanilang utos. Bago mag-alas singko, nasa bahay na ako.’’
“Marami rin bang nangungupahan na couples doon, Mam Siony?”
“Nalaman ko na hindi lamang pala kami ni Dolfo ang may ganoong kalagayan doon. May dalawa ring katulad namin.’’
“Matagal din kayo sa pangungupahan sa villa?”
“Oo. Natigil na nga lamang nang magbakasyon si Dolfo dito sa Pinas. At kasabay niyon, natuklasan ko, na buntis na pala ako…’’
“Ah tama po pala ang mga nakalagay sa sulat na nabasa ko. Sulat mo po iyon kay Mang Dolfo na nakita ko nang maghalungkat sa kuwarto niya.’’
“Talaga? Ibig sabihin natanggap ni Dolfo ang sulat?”
“Nakalagay po sa isang bag ng babae ang mga sulat. Marami pong sulat sa bag.’’
Nag-isip si Siony. Na-tatandaan niya, sinulat niya iyon noong malaman niyang buntis siya kay Kreamy. Ipinadala kay Dolfo na kasalukuyang nakabakasyon sa Pinas. Litung-lito siya at hindi malaman ang gagawin.
(Itutuloy)