“KAHIT walang sinasabi sa akin si Dolfo na may kaugnayan sa damdamin niya sa akin, para bang nagkakaintindihan na kami…” sabi ni Siony na nakangiti habang nagkukuwento kung paano sila nagkaroon ng relasyon ni Dolfo.
Napangiti si Troy sa bahaging iyon.
“Hindi po nagsabi ng “I Love You” si Mang Dolfo?”
“Ay naku hindi. Nakokornihan siguro. Basta nagkaunawaan kami na walang sinabing “mahal kita” o “type kita”. Basta nalaman na lamang namin na kami na pala.”
“Kahit po alam n’yong may asawa na siya?”
“Oo. Hindi ko na naisip yun. Kapag pala nagmamahal ang tao, kahit na bawal at kahit hindi na malaya ang minamahal, ipagpipilitan pa rin.’’
“Hindi ka po natakot na mahuli ng mga pulis doon?”
“Hindi. Aywan ko ba kung bakit hindi man lang ako tinablan ng takot.’’
“Talagang minahal mo po si Mang Dolfo?”
“Oo. Kasi’y talagang napakabait at napaka-maalalahanin niya. At sabi niya sa akin, ako lang daw ang kauna-unahang babae na nakapagpasaya sa kanya.’’
“Ibig sabihin po e hindi siya maligaya sa asawa niya --- kay Mayette.’’
“Oo.’’
“Ano pa pong sinabi ni Mang Dolfo ukol kay Mayette.’’
“Bukod daw sa mukhang pera, nagkakaroon siya ng kutob na niloloko siya nito.’’
“Ano pong niloloko?”
“Kasi marami raw siyang pinadadalang pera sa asawa niya. Pero ang ipinagtataka niya, bakit walang ipon. Kapag tinatanong daw niya kung bakit walang ipon, ay ito pa ang matapang. Naghihinala raw siya na may kinaloloko-han itong lalaki.”
Napatangu-tango si Troy. Naisip niya na maaaring hindi si Digol ang unang naging kalaguyo ni Mayette kundi marami pa. At sa mga lalaking iyon nalaspag ang perang pinagpawisan ni Dolfo sa Saudi.
“Lahat po pala ay pinagtapat sa inyo ni Mang Dolfo.”
“Oo. Maliban sa kanyang address sa Maynila. At naunawaan ko naman dahil iniiwasan nga niyang malaman ng asawa niya ang relasyoin namin sa Riyadh.’’
“Paano po kayo nag-sama ni Dolfo sa Riyadh?’’
“Hindi naman kami nag sama sa isang bahay. Siyempre bawal iyon. Mayroon kaming pinupuntahang bahay o villa at doon kami nagkakasarilinan.
“Ang villa ay inuupahan ng mga couples. At para kumita, pinauupahan din nila ang mga bakanteng kuwarto. Sa isang kuwarto kami nangupahan ni Dolfo…”
(Itutuloy)