“MARAMI ka palang alam sa nangyari kay Kreamy,” sabi ni Siony na may luha sa mga mata.
“Opo. Ikinuwento nga po sa akin ni Mayette. Na gulat nga po ako nang malaman na si Kreamy pala ay hindi niya anak. Basta dumating daw po si Mang Dolfo na may dalang baby at ang sabi ay anak daw ng isang DH sa Saudi. Inampon na raw po niya. Natuwa naman daw si Mayette. Pero nang malaman niya na anak pala ni Dolfo sa DH ang bata ay biglang nagbago ang pagtingin niya. Naging malupit siya kay Kreamy…”
Hindi na napigilan ni Siony ang pag-iyak. Nag-unahan ang mga butil ng luha sa mga mata. Pinahid naman kaagad niya ang luha.
“Hindi ko talaga mapigilang maiyak kapag ang tagpong ‘yan ang ikukuwento. Pero mas marami kang nasabing kuwento ukol sa pagmamalupit ng Mayette na iyon sa aking anak. Kasi’y nahihirapan ding magkuwento sa akin si Kreamy. Para bang ayaw na niyang pag-usapan ang nakalipas sa kanya. Hindi ko naman siya mapilit na sabihin lahat. Iginagalang ko rin ang kanyang damdamin. Buti na lang pala at narito ka, Troy. Kung hindi sa’yo hindi ko malalaman ang lahat.’’
“Hindi po kaya magalit sa akin si Kreamy dahil sinabi ko ang iba pang mga nangyari sa kanya.”
“Hindi naman siguro. Pero siguro, hindi ko na rin babanggitin sa kanya. Tayong dalawa na lang ang nakakaaalam ng mga nangyari.’’
“Mas mabuti pa nga po siguro, Mam Siony.’’
“Itutuloy ko ang kuwento ng paghahanap namin kay Kreamy.’’
“Sige po.”
“Gaya ng sabi ko sa’yo sinulatan ko si Dolfo sa Riyadh pero hindi ako sinagot. Marami akong beses sumulat pero ni isa ay walang sagot. Hanggang sa lumipas ang isang taon. Ipinasya ko na mag-Saudi ulit. Sinula-tan ko ang aking mga amo na sina Sir Abdulaziz at Mam Nuhra. Sabi ko gusto ko uli na magtrabaho sa kanila. Matatanggap pa ba nila ako kung sakali?
“Sumagot agad ang mag-asawa. Tatanggapin daw nila ako. Wala pa raw silang nakukuhang maid. Maghanda raw ako at ipadadala agad nila ang visa ko para makalipad na ako.
“Natuwa ako. Pero alam mo ba na kaya ko gustong makapag-saudi ulit ay para hanapin si Dolfo. Hindi ako titigil hangga’t hindi siya nakikita. Galit na galit ako sa kanya dahil sa ginawa niyang pagta-ngay sa anak ko.
“Sinalubong ako sa KKIA ng mga amo ko. Talagang parang kapatid na ang tu-ring nila sa akin. Napakabait ng mag-asawa…” (Itutuloy)