Masayang nagbalik-tanaw si Roderick Paulate sa mga panahong nakatrabaho si Dolphy apat na dekada na ang nakalilipas. Hinding-hindi makalilimutan ng aktor ang mga payong inihabilin sa kanya ng nakilalang King of Comedy. “Sa set ‘yan ng John En Marsha sa Probinsya. Nanonood si dad (Dolphy) no’n, kasi that time nagda-drama pa ako eh, drama, comedy, drama. Siya ang nagsabi, ‘Tawang-tawa kami sa ‘yo, iho, ‘lika dito anak.’ Nakasandal pa kami noon sa may kotse roon sa set na ‘yon eh, sa likod ng LVN (Pictures). Sabi niya sa akin, ‘Dick, ayaw mo mag-comedy? Mag-comedy ka na lang.’ Sabi ko, ‘Nagko-comedy naman po ako.’ ‘‘Yung comedy ituluy-tuloy mo na. ‘Yung diretso na, huwag ka nang mag-drama. Kasi kulang na eh, kulang na tayo sa comedy.’ Gustung-gusto niya na ituloy ko ‘yung comedy. Binanggit niya na nababawasan na, tumatanda na rin. So kailangan may mga bago na,” kwento sa amin ni Roderick sa Fast Talk with Boy Abunda.
Maraming mga pelikula ng aktor ang pumatok sa takilya noon. Ngayon ay si Vice Ganda naman ang namamayagpag sa larangan ng komedya. Gusto rin umanong ipayo ni Roderick sa nakilalang Unkabogable Phenomenal Box-Office Superstar ang mga salitang binitawan sa kanya ni Dolphy noon. “Ang namamayagpag naman si Vice, so siguro isa siya roon. Kaya lang ang gusto ko lang namang mangyari sa kanya, nagsi-shift na siya eh. Kumbaga ang ginagawa na niya dalawa,” pagbabahagi ng komedyante.
Simula bukas ay mapapanood na ang Mga Batang Riles na pinagbibidahan nina Miguel Tanfelix, Kokoy de Santos, Raheel Bhyria, Bruce Roeland at Antonio Vinzon. Kabilang din sa pinakabagong GMA Prime series si Roderick nagagampanan ang karakter ni Paul. “Si Paul taga-riles, Sitio Liwanag. Kumbaga, wala pa ‘yung riles, do’n na nakatira ‘yung mga taong katulad namin. So meron akong anak, sina Lulu at Lala. Sikat ‘yung eatery ko do’n, lahat pumupunta para kumain. Tapos nagkaroon ng problema sa lupa, merong nang-aangkin, gustong bilhin. So hindi pumapayag ang taga-Sitio Liwanag, isa na ako do’n sa nakikipaglaban,” pagdedetalye ng premyadong aktor.
Limampu’t walong taon nang aktibo sa show business si Roderick. Nagsimula bilang child star sa edad na apat na taong gulang pa lamang ang aktor. Mayroong payo si Roderick para sa mga kabataang katrabaho ngayon sa Mga Batang Riles. “Importante na nandoon unang-una ‘yung respeto sa trabaho mo, at respeto sa mga kasamahan mo. Pangalawa, huwag mo ilalagay sa ulo mo (ang kasikatan). May mga artista kasi na kapag nagsigawan ang mga tao, nagpalakpakan, binigyan ka ng special treatment, akala mo ‘yon na. Hindi, laging sinasabi ng nanay ko, Ingat ka lang, kasi the moment na sinasabi mo na sikat na sikat ka na at lumaki ang ulo mo, ‘yon na ang simula ng pagbagsak mo,” makahulugang pagtatapos ni Kuya Dick. — Reports from JCC