Pasado alas-otso ng gabi na nagsimula ang Gabi ng Parangal ng 50th Metro Manila Film Festival na ginanap sa Grand Ballroom ng Solaire Parañaque noong Biyernes, Dec. 27.
Star-studded ang naturang parangal dahil dumalo ang halos lahat na mga malalaking artistang bahagi ng sampung entries ng naturang filmfest.
Ang alam naming hindi dumalo ay si Vic Sotto na hindi naman talaga siya mahilig sa mga ganung event.
Hindi rin namin namataan doon sina Carlo Aquino at Julia Barretto ng Hold Me Close na isa sa inisnab ng naturang parangal. Kahit nga sa Best Float ay hindi man lang na-nominate.
Pinakamaagang dumating ang buong team ng Isang Himala na kumpletong rumampa sa red carpet.
Punung-puno sila ng energy, kahit sad ang direktor nitong si Pepe Diokno, dahil tatlong araw pa lang, sa siyam na sinehan na lang sila napapanood.
Hopefully, madadagdagan na sila pagkatapos ng nilang tumanggap ng mga parangal.
Si Sylvia Sanchez na mabigat ang dibdib sa mahigit 30 cinemas, nagpapasalamat pa rin na nakakalaban pa rin sila. Nadagdagan daw sila ng sinehan, pero iilan lang.
Ang saya rin ng taga-GMA Pictures ng Green Bones dahil close to 100 cinemas na raw sila.
Inaasahang madadagdagan pa lalo ng sinehan dahil sa rami ng awards na natanggap nila.
Malakas na agad ang bulung-bulungang si Dennis Trillo at Judy Ann Santos ang magwawaging Best Actor at Best Actress.
Pero ang mas pinag-usapan at ipinagtaka ng netizens ay ang pag-isnab kina Aga Muhlach sa Best Actor, pati kina Eugene Domingo at Gladys Reyes ng And The Breadwinner Is… sa kategoryang Best Supporting Actress.
Hindi lang si Aga ang inisnab ng mga hurado ng MMFF kundi pati si Eugene Domingo ng And The Breadwinner Is…, at may special participation din siya sa Espantaho. Nagsisintir ang mga netizen na hindi man lang daw isinama sa mga nominado sa Best Supporting Actress.
Napasama nga si Jhong HIlario sa mga nominado sa Best Supporting Actor, pero ang gumaganap na asawa niya rito na si Gladys Reyes ay dedma na ang mga hurado.
Pero pinuri namin si Aga na napaka-cool nung gabing ‘yun.
Pagkatapos ngang hindi na-nominate sa Best Actor, siya na ang kasunod na nag-present ng Best Actress kasama si Malabon Mayor Jeannie Sandoval at Sen. Francis Tolentino.
Binati pa nga ni Gladys si Aga na tila siya ang lucky charm ni Judy Ann Santos, dahil nung nanalo rin si Juday na Best Actress noong MMFF 2019, si Aga rin ang nag-present ng winner sa kategoryang ‘yun.
Napakibit-balikat lang daw si Aga, sanay na raw siyang taga-present ng mga winner.
Tinapos pa nila ni Ate Vi (Vilma Santos) ang parangal, kahit hindi man lang nabanggit ang Uninvited sa mga nanalo.
Siyempre, ramdam mo ang pagkadismaya, pero ang ganda pa rin ng kanilang ngiti.
Nakikita sa kanila ang suporta manalo man o matalo.
Sabi nga ni Ate Vi, isa ito sa adbokasiya niya na lalong pasiglahin ang ating movie industry, kaya masaya siya sa kinalabasan ng MMFF ngayong taon, at napabongga ng katatapos lang na Gabi ng Parangal.
“Oo naman!” mabilis niyang pakli sa sinabi naming nakakatuwa at tinapos niya ang kabuuan ng parangal.
“‘Yun lang naman ang importante at this point in time na mabalik, at alam mo ang adbokasiya ko pagdating diyan, mabalik lang ang sigla ng movie industry, panalo na ako dun.
“Look, glitz and glamour bumabalik na. Ito ‘yung nawala sa atin nu’n, ‘di ba? So, nandito tayo ngayon, maayos lahat. Ito ‘yung nawala before. Now na it’s coming back, I’m very very happy kasi mundo ko rin ito,” masayang pahayag ni Ate Vi.
“Uy! Panoorin nyo rin ‘yung Uninvited. I’m very proud of this movie, mag-e-enjoy kayo,” naka-thumbs up pang pahayag ni Ms. Vilma Santos-Recto.
Hanggang kahapon ay nag-trending pa rin ang mga isyu sa Gabi ng Parangal.
Napansin nila ang isang segment na kung saan binigyan ng tribute ang mga MMFF icons, ang buong akala nila ay para sa namayapang artista, nagtataka sila bakit napasali roon si Eugene Domingo.
Bakit daw pinatay na si Uge.
Ipinaliwanag na rin tuloy ng spokesperson ng MMFF at ka-PEP Troika kong si Noel Ferrer na para ito sa MMFF icons.
Sabi niya sa kanyang social media account, “Sana man lang na-appreciate na ang huhusay ng mga nag-perform kagabi...just to clarify–the number of @armanfferrer @iammarkbautista, Robert Sena & @johnarcilla was a tribute number to MMFF icons through the 50 years...hindi po in memoriam...”
Ipinakita pa niya ang script na tribute sa MMFF Icons na kung saan kinanta nila ang kantang sinulat ni direk Joey Reyes na Minsan ang Minahal ay Ako.
Pero hindi pa rin tumigil ang netizens, ang dami pa rin nilang napansin.
Pati ang pag-tie sa Best Director nina direk Mike Tuviera at Crisanto Aquino ay kinuwestiyon nila, dahil inilabas daw ang 13 na miyembro ng jury, paano raw nag-tie.
Nakakapagtaka ngang hindi sinusuwerte si direk Zig Dulay ng Green Bones bilang Best Director.
Best Picture ang pelikula, paanong hindi siya ang napiling Best Director. Bakit hindi man lang siya ang naka-tie.
Noong nakaraang taon ay nagwagi ring Best Picture ang Firefly, pero si Pepe Diokno ng GomBurZa ang Best Director.
Pero masaya ang taga-GMA Pictures sa napanalunan ng Green Bones na napiling Best Picture, Best Screenplay, Best Child Performe na si Sienna Stevens, Best Supporting Actor na si Ruru Madrid at si Dennis Trillo na nagwaging Best Actor.
Mainit lang ngayon ang kontrobersya sa naturang filmfest na kinasasanayan na nila.
Sabi nga ng MMDA Chairman Atty. Don Artes, hindi pa rin daw naaalis-alis taun taon.