Wagi ang ABS-CBN sa kauna-unahang Asia TV Forum & Market (ATF) Expo Horror Content Pitch para sa isinulat nitong horror film na Hysteria.
Sa ginanap na 2024 ATF Expo sa Singapore, nanguna ang Hysteria na isinulat ng premyadong Pinoy screenwriter na si Jaymar Santos Castro, katapat ang mga kwentong ibinida ng mga kalahok mula Indonesia, Malaysia, at Singapore.
Sa pagkapanalo nito, makakatanggap ang ABS-CBN International Productions ng development and distribution package mula sa premyadong Asian studio na EST x N8 para maisagawa ang global production ng pelikula.
Aniya pa sa Show Daily magazine ng ATF, ang Hysteria umano ang may “strongest potential to excite and strike tension in the Asian market.”
Ang kwento ng Hysteria ay tungkol sa hindi mapigil na pagsanib ng mga espiritu sa mga residente ng isang barrio na kalaunan nadiskubre ng isang paring naghahanap ng kasagutan sa mga pangyayari na may kinalaman din sa kanyang malagim na nakaraan.
Naisulat ito sa kauna-unahang Hollywood Bootcamp project ng ABS-CBN nitong taon kung saan sumailalim ang ilang piling Filipino creatives sa ilang masterclass sa paggawa ng mga world-class na programa na pinangunahan ng mga eksperto mula sa Hollywood.
Ibinida rin ng ABS-CBN ang mga offering nito sa ATF Expo, sa pangunguna nina International Productions head Ruel S. Bayani at International Sales and Distribution head Pia Laurel.
Dito ipinamalas ang world-class studio services ng ABS-CBN Studios, global music production ng Star Music, pag-prodyus ng mga dekalibreng pelikula mula sa Star Cinema, talent management mula Star Magic, at iba pa.
Itinampok sa expo ang mga ground-breaking milestone nito, gaya ng tagumpay ng BINI sa kanilang sold-out concerts at international awards, pati ang all-time box-office record ng Hello, Love, Again.