Mga kahanga-hangang mang-aawit, nagsanib-pwersa!

MANILA, Philippines — May dalang makulay na timpla ang worship tracks ng Reverb Worship, ang music arm ng CBN Asia, upang maging mas makabuluhan ang Christmas season kasama ang back-to-back release ng first-ever Extended Play (EP) nito na Bahaghari, at Christmas single na Hesus Aming Hari – na mapapakinggan na sa lahat ng digital streaming platforms sa buong mundo!

Nagsimula ang EP sa Bahaghari ni Jonathan Manalo, isang nakakaindak na pop-funk anthem na binibigyang-diin ang matatag na pangako ng Diyos. Habang ang Tahanan na pinerform ni Diwa at isinulat ni Adrian Crisanto ay may handog na taos-pusong paalala sa tunay na kanlungan at pinagmumulan ng ating kapayapaan sa gitna ng walang katiyakan sa buhay.

Ang bahagi na inawit ni EJ De Perio at isinulat ni Daryl Cielo ay isang magandang ballad na pasasalamat sa Diyos sa Kanyang pagmamahal na bumubuo sa atin. Sa makapangyarihan ballad na Palagi, inawit ni Vee Jay Dela Calzada ang tungkol sa hindi matitinag na debosyon isang makapangyarihang pangako na papuri sa Diyos sa bawat taas at baba, kasiyahan at kalungkutan.

Ang closing track na God is Good nina Hazel Faith at Caleb Santos ay isang masayang deklarasyon sa kabutihan at katapatan ng Panginoon.

Ang Reverb Worship, na kilala sa paglikha ng Christian Contemporary Music sa radio at streaming, ay tanyag na ngayon sa church worship – na may dalang faith-filled, homegrown melodies sa puso ng bawat kongregasyon.

Ipinagmamalaki rin ng Reverb Worship ang pagpapakilala sa Hesus Aming Hari, isang makabagbag-damdaming Christmas anthem na nagdiriwang sa kapanga­nakan Niya na siyang nagdala ng walang hanggang kapayapaan, pag-ibig at pag-asa sa mundo. Ang awitin ay nagbubuklod sa mga kahanga-hangang tinig nina Jonathan Manalo, John Roa, EJ De Perio, Vee Jay Dela Calzada, Diwa, Hazel Faith, Shekinah Gram, Viola Natividad, at Caleb Santos.

Show comments