Kung buhay lang sana si Mother Lily Monteverde tiyak na siya ang unang iiyak at kikiligin sa pelikulang My Future You starring Francine Diaz and Seth Fedelin na nagkaroon ng red carpet premiere last Monday night.
Kaya tiyak pumapalakpak siya sa heaven at pinupuri ang anak na si Roselle Monteverde na sinugalan ang tambalang FranSeth.
Ang ganda ng My Future You, ang Metro Manila Film Festival entry ng Regal Entertainment, na kuwento ng dalawang nagkakilala sa dating app at nagkainlaban sa magkaibang panahon.
Ang akala namin ay isang simpleng love story lang ito pero detalyado ang kuwento malinis ang pagkakalahad ng kuwento.
Na hindi mo namamalayan kinikilig ka na pala, at naiiyak sa maraming eksena na kukurot sa puso mo.
Dinirek at sinulat ito ni Crisanto Aquino.
Ang galing ng FranSeth, hindi overacting ang pagkakaganap sa character nila na naging training ground ang mga ginawang teleserye sa ABS-CBN.
Samantala, ito ang unang Pasko ng pamilya Monteverde na wala na ang mga magulang nilang sina Father Remy at Mother Lily na magkasunod na pumanaw ngayong taon.
At isa ang My Future You sa tatlong pelikula na binigyan ng green light ni Mother Lily bago siya namatay last August. Kaya’t inalala si Mother sa end credits ng My Future You. “Sa last part ng movie, of course, we put, you know, ‘In memory…’ You know, du’n talaga ako sobrang… when I watched it, ’yung part na ‘yun du’n ako sobrang naiyak,” kuwento ni Roselle nang dumalo sa intimate pre-Christmas get-together kahapon ng kaibigang si Jun Lalin.
“Every time I would remember any occasion like this I would remember her and nakaka-miss talaga. So anywhere I go, nakaka-miss because I always remember her. And ‘yung legacy naman na naiwan niya sa amin is really to continue this business and to really help each other out in this entertainment industry.”
Kahit nung premiere night, naiiyak-iyak si Ms. Roselle pagkatapos ulit panoorin ang My Future You na comeback na rin ng Regal sa MMFF. “Everything. Kasi, you know, of course, they’re your parents. You cannot be who you are without them, ‘di ba? Lahat naman ng memories nang uma-attend ng... anywhere you go, ’pag showbiz, you remember Mother. Kaya it’s not easy to be… normal naman siguro ‘yan,” sabi pa niya.
At tulad nung buhay pa ang kanilang mga magulang, magsasama-sama silang magkakapatid sa bahay ng mga Monteverde sa Greenhills.
Naalala rin niyang binilin sa kanya ni Mother ang kapatid na Goldwin na coach ng UP Maroons na nag-champion sa UAAP. Kaya aniya, nai-stress din siya ‘pag nanonood ng UAAP Games.
Pero pakiramdam niya ba siya na talaga ang bagong Mother Lily ng showbiz? “No, I cannot be at par with her. She’s different, you know. She founded Regal and I think we could all say that she’s really an icon in the industry. A politician even told me when I received an award recently, sinabi sa’kin nu’ng… he used to be a senator, ‘your mom is a legend. you cannot be like her.’ I said, ‘sir, yes, i know. definitely I could not be like her,’” paliwanag niya sa mga nagsasabing magka-level na sila.
Bagama’t pakiramdam daw niya ay ang management style niya na hands-on, truthful sa lahat ng ginagawa, ang namana niya sa inang malaki ang nagawa sa local movie industry. “Just be sincere and the passion. Kasi ‘pag may ganyan ka parang hindi ka naman napapagod mag-work and that’s what keeps you going.
“And you need to be grounded, ‘di ba, you need to know kasi siya ‘yung nauuna sa balita, bakit kaya? ‘Di ba? Kasi ang routine niya every morning is to call everyone. Isa-isa niya tatawagan talaga. Ang bilis niya makakuha ng balita,” pag-aalala pa ni Roselle kay Mother.
Anyway, mahuhusay rin ang mga suporta sa pelikulang My Future You tulad nina Almira Muhlach, Christian Vasquez, Peewee O’Hara, Bodjie Pascua, Marcus Madrigal, Vance Larena at Mosang.
Masasabing dark horse ang My Future You sa MMFF, sa Gabi ng Parangal at maging sa box office.