Kamakailan ay nag-double date sina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz kasama sina Ysabel Ortega at Miguel Tanfelix sa isang computer shop. Kakaibang bonding ang ginawa ng mga magkasintahan sa paglalaro ng online games.
Ayon kay Julie Anne ay nagkaroon na rin siya ng hilig sa online gaming dahil kay Rayver. “Spontaneous talaga na nagkayayaan. Usually, kapag naglalaro kami laging sa bahay. Sabi namin parang maganda kung magkakasama tayo, tapos isipin natin na nasa tournament tayo. Kunyari nasa e-sports kami,” nakangiting pahayag ni Julie Anne sa 24 Oras.
Matatandaang nakapagbakasyon sina Rayver at Julie Anne sa Japan noong Oktubre. Nakapasyal din nitong weekend ang mgakasintahan sa Australia pagkatapos ng show ng tambalang JulieVer sa Melbourne at Sydney.
Pinaghahandaan na rin nina Julie Anne at Rayver kung paano magdiriwang ng Kapaskuhan. “Kasi si Kuya Rodjun (Cruz) at Ate Dianne (Medina), 5 minutes lang siya from our house. Kaya every Christmas or may occasions kaya from the South, pupunta si Rayver sa north. So tawid-tawid lang kami. Wala naman akong ini-expect na regalo kasi gusto ko lang, siya ang regalo ko,” natatawang paglalahad ng dalaga.
Donny, mas kilig na kay Belle
Mahigit tatlong taon nang magkatambal sina Belle Mariano at Donny Pangilinan. Sa mga nakalipas na taon ay maraming proyekto na ang nagawa ng tambalang DonBelle. Ayon kay Donny ay talagang malaki na ang kanilang ipinagbago ng aktres pagdating sa pagtatrabaho. “To be honest, dati no’ng nag-start pa kami, hindi namin nage-gets ‘yung emotions ng isa’t isa. ‘Yung ibibigay ng isang character sa isang eksena, ‘yung give and take. But after working with each other, we would be rehearsing lines and stuff or ‘yung actions for the most part, really allowed us to have this free space that whatever happens na lang ‘yon ‘yung mangyayari. Kasi kung masyado mong ire-rehearse ‘yung mga kilig at tingin, hindi magiging natural. So parang mas napi-feel na lang namin ‘yung scene,” paliwanag ni Donny.
Napapanood na ngayon sa Viu ang How to Spot a Red Flag na pinagbibidahan ng DonBelle. Kabilang din sa naturang online series sina Mylene Dizon, Angel Aquino, Benjie Paras at Christian Vasquez. “Sobrang love namin ‘yung cast namin. We really take it to heart everything they say and we’re on the set. Feel na feel namin ‘yung good vibes talaga. To add to that, sa La Union pa kami nagsu-shoot. So para talaga kaming nasa bakasyon pero professional pa din. Hindi namin nakakalimutan na we’re all there for a reason. So, we’re very blessed to have these amazing people with us,” dagdag ng aktor.
Para kay Donny ay marami ang mga makare-relate na manonood sa kanilang bagong serye. Ayon sa aktor ay importanteng nagkakaintindihan sa maraming bagay ang isang magkarelasyon. Mahalaga rin para sa binata ang pagkakaroon ng tiwala sa isa’t isa upang magtagal ang isang relasyon. “Very important kung mag-usap muna kayong dalawa kung ano ‘yung do’s and don’ts n’yo para you guys are on the same page. Kasi sa pag-ibig madali ma-blinded eh. Kailangan may mga tao din sa paligid n’yo na nagsasabi na iba ito or ‘yung mga hindi mo masyado makikita at first pero ‘yon pala red flag na. So always be open-minded into thinking, being genuine and honesty is a big part of this and just to be true to what you feel as well,” makahulugang pahayag ng binata. — Reports from JCC