May shows na pinag-uusapan ngayon na nanganganib mategi dahil sa isyu ng kadatungan. Pero pawang haka-haka pa lamang ‘yan.
Lalo pang tumitindi ang usap-usapan tungkol sa It’s Showtime na sinasabing hanggang December na lang ang kontrata nito sa GMA 7.
Pero pawang haka-haka pa lamang din at wala pang inilalabas na statement ang GMA 7 kung ano talaga ang status ng sikat na noontime show na ito nila Vice Ganda.
Kahit nga ang mga taga-TiktoClock na sinasabing ipapalit diumano sa timeslot ng It’s Showtime ay nagugulat sa ganung tsismis.
Sabi ng ilang taga-TiktoClock, wala pa raw nakakarating sa kanila ng mga ganung usapan. Kaya ayaw pa nilang mag-assume.
Bukod pa rito, may isa pang malaki at talagang toprater na daily show na napapag-usapan na ring nanganganib na mategi.
Pera naman daw ang dahilan, dahil sa laki ng budget. Kung maayos daw ang problema nito, baka hindi matuloy ang pagkatsugi, pero kung lalong lalala ang problema, hindi magandang balita ang susunod nating maririnig.
Pero may ginagawa raw ang producer na paraan, kagaya ng pagpapalit ng cast at iba pang gustong baguhin.
Tiyak na makikita natin ang mga pagbabagong ito sa susunod na taon.
Pero ang isa pang magandang balitang abangan natin next year ay isang bonggang drama series na collaboration daw uli ng GMA 7 at ABS-CBN. Nakiusap lang ang aming source na huwag munang isulat kung sino ang bida, dahil pinag-uusapan pa lamang daw kung possible.
Pero kung matutuloy man ito, gagawin pa raw ito sa last quarter of 2025. Kaya ‘yan ang bonggang aabangan natin sa susunod na taon.
Zanjoe at Daniel, ‘di pa nakakapag-umpisa sa pelikula!
Puspusan na ang shooting ng pelikulang How To Get Away With My Toxic Family na pinagbibidahan ni Zanjoe Marudo.
Nauna pa pala ito sa pinag-usapan noon na film project na pagsasamahan nila ni Zanjoe at Daniel Padilla.
Nagpa-story conference na sila noon, na ang buong akala ng iba ay nagsimula na silang mag-shoot, pero hindi pa pala.
Nalaman na lang namin kay Zanjoe sa nakaraang story conference ng pelikula niya na hindi pa pala sila nagsimulang mag-shoot nito.
Na-prioritize muna ni Daniel ang Incognito at si Zanjoe naman ay nagka-baby sila ni Ria Atayde, at ngayon ay may sinimulan na siyang pelikula.
Ani Zanjoe, “Actually, magsisimula na dapat talaga kami nu’n kaya lang hindi na namin nasimulan. Pero nandun na, mag-shoot na kami ng day one, pero ang nangyari lang kasi nag-usap kaming mabuti ni Daniel at saka ng production, dahil napakaganda ng concept. Galing ito sa istorya ni Ricky Lee sa pambatang libro ni Ricky Lee, napakaganda niya. Napakahirap din naman isulat. Kasi, parang ‘di ba? Saan ka nakakita ng istorya na si kamatayan at ang tao mag-best friend, saka napakahirap niyang isulat ay maging believable sa tao.
“So ‘yun, inaayos pa rin at tuloy na tuloy pa rin ‘yan, pinaano muna amin para hindi siya… alam mo ‘yun, walang pressure, hindi magmadali para mabigyan ng time, para mas masulat na pulido. Kasi, minsan lang naman kami magkatrabaho ni DJ. Sayang naman kung hindi naman namin talaga todo seryosohin at matindi na malupit ‘yung istorya.”
Sana matuloy ito at mapatunayan din ni Daniel na makakagawa siya ng pelikula niyang walang Kathryn Bernardo.