Muling pumirma ng kontrata si Melai Cantiveros sa ABS-CBN. Matatandaang unang sumikat ang komedyana bilang housemate ng Pinoy Big Brother Double Up Edition noong 2019. Itinanghal bilang Big Winner noong 2010 si Melai sa naturang edisyon ng PBB.
Mula noon ay patuloy nang tinangkilik ng mga tagahanga ang komedyana. Sunud-sunod ang naging proyekto ni Melai sa bakuran ng Kapamilya network. “Hindi ko talaga ma-imagine ang sarili ko nang wala ako sa ABS-CBN. Kahit na no’ng pandemic, kung wala na ang ABS-CBN, uuwi na lang ako (sa General Santos City), rather than to go to another (network) because I’m so happy with this family,” nakangiting pahayag ni Melai sa ABS-CBN News.
Malaki ang pasasalamat ng aktres sa pamunuan ng ABS-CBN dahil sa patuloy na pagtitiwala sa kanyang kakayahan at talento. “Sobra talaga akong na-overwhelm lalo na sa pagmamahal na binibigay sa akin ni Direk Lauren (Dyogi). ‘Yung tiwala talaga dahil I am a simple woman sa Gen San na hindi naman nagtitiwala sa sarili ko pero si Direk Lauren ang unang nagtiwala talaga sa akin. I want to say thank you sa mga bosses natin dahil grabe talaga,” paglalahad ng actress-TV host.
Masaya ring inalala ni Melai ang naging mensahe sa kanya ni Gabby Lopez noong 2010. “Paglabas namin sa PBB, sinabihan din kami si Sir Gabby. ‘Kapag may problema kayo, ‘pag may nagda-down sa inyo sabihin n’yo lang sa akin.’ Hindi ko makalimutan talaga. That’s why I’m very thankful sa mga Lopezes at kay Ma’am Cory (Vidanes) and Direk Lauren. Basta Kapamilya ako forever talaga,” pagtatapos ng komedyana.
Jodi, hindi nawawalan ng pag-asa sa pag-ibig
Ngayong taon lamang napawalang-bisa ang kasal nila Jodi Sta. Maria at Pampi Lacson. Matatandaang 2005 nang nagpakasal at 2011 naman nang nagkahiwalay ang dating mag-asawa.
Maglalabing siyam na taong gulang na ang anak nina Jodi at Pampi na si Thirdy. Marami ang nagtatanong ngayon sa aktres kung posibleng magpakasal muli. “Napaka-fresh nung annulment. It is something that has never crossed my mind. Pero isa lang ang alam ko, I have never lost faith in love. If one day it happens. There are some things na hindi mo pinipilit. You pray about it, if it happens, it happens,” makahulugang bungad ni Jodi.
Ayon sa aktres ay dumating sa puntong nawala na sa kanyang isipan ang tungkol sa pagwawalang-bisa ng kasal dahil sa matagal na proseso nito. Nakaramdam na ng pagod si Jodi dahil na rin sa kabi-kabilang proyekto na kanyang ginagawa at maging sa kanyang personal na buhay. “Matagal ko ‘yang hindi na iniisip. I’ve been praying about it for 13 years. But there was a point in my life na I felt so tired, na parang ang dami kong kailangang gawin. But when I finally surrendered it to the Lord, ‘Sige God, parang Thy will be done!’ After no’n, parang lahat ng weight has been lifted. And all I did was, I just had to wait kung kailan Niya ibibigay, and then it happened,” kwento niya.
Para kay Jodi ay malaki rin ang naitulong ng annulment sa kanyang pagtatrabaho ngayon. Ayon sa aktres ay mas naging magaan ang trabaho dahil nabawasan na ang kanyang mga iniisip. “May lightness sa trabaho kasi taposna ‘yung annulment, kahit paano. May mga bagay ka na hindi mo na iniisip. Pero matagal nang magaan ‘yung trabaho for me. ‘Coz I’ve always seen this as a blessing from the Lord,” pagtatapos ng aktres. — Reports from JCC